ANG Inang Nag-aaruga sa Anak Foundation, na binuo at pinamunuan ni dating congresswoman Georgina de Venecia at iba pang indibiduwal ay gumamit ng pekeng pangalan nang mamuhunan sa instrumento ng pautang na pawang palsipikado rin.
Sa isang tao lamang, sa katauhan ni Liza Arzaga, dating branch business center manager ng RCBC nakipag-usap nang ilang taon ang grupo gamit ang hawak na pera, hanggang takasan sila tangay ang kanilang pondo.
Sa ngayon, nais ng grupo ni De Venecia na ibalik ng RCBC sa kanila ang kanilang salapi.
Ayon kay RCBC general counsel George dela Cuesta, ang pondong ginamit sa pagbili ng pekeng debt notes ay hindi pumasok mismo sa banko kaya’t walang dahilan upang ito ay bawiin. Dugtong niya, handang labanan ng RCBC ang kasong inihain laban sa kanila ng De Venecia group hanggang sa huli.
Sa pahayag sa media ng De Venecia group, inakala nila na legal ang paggamit ng pekeng pangalan. Hindi binanggit sa pahayag ang pekeng debt instruments.
Nang matuklasan ng banko ang naganap na transaksiyon noong 2018, sinuspendi kaagad si Arzaga hanggang tuluyang sibakin sa trabaho matapos ang isinagawang panloob na imbestigasyon. Nahaharap siya ngayon sa kasong kriminal.
Sinabi ni Dela Cuesta, sa kabila ng suspensiyon ni Arzaga, nagpatuloy pa rin ang transaksiyon sa kanya ng De Venecia group, gamit pa rin ang pekeng pangalan at salapi kapalit ng pekeng promissory notes.
Humingi rin ng tulong sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang De Venecia Group, ngunit natuklasan na wala itong basehan. Sunod nilang iniakyat ang usapin sa Court of Appeals na nakabinbin sa kasalukuyan.
Naglunsad ng kampanya sa media at kailan lang ay humingi rin ng suporta sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Dela Cuesta, naninindigan silang malakas ang legal nilang hakbang upang protektahan ang kanilang interes saanmang bulwagan o pagtitipon ng batas.
Sinabi niyang kahit may mga kilalang politiko na miyembro ang De Venecia Group, kailangan nilang ipaliwanag kung saan nagmula ang kanilang salapi, bakit sila gumamit ng pekeng pangalan, bakit tumanggap ng pekeng debt instruments at kung bakit patuloy pa rin ang transaksiyon kay Arzaga kahit suspendido ang dating opisyal ng banko. (NIÑO ACLAN)