Saturday , November 16 2024
CHED

New CHED charter inihain sa Senado

ISINUSULONG ni Sen. Joel Villanueva, chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, ang “Revised Higher Education Act of 2022” o Senate Bill No. 2492, sa ilalim ng Committee Report No. 509, para pagtibayin ang Commission on Higher Education (CHED) sa pamamagitan ng repormang institusyonal.

Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Villanueva, pinalalakas ng revised charter ang komisyon para maging handa sa kinabukasan ng edukasyon, at masiguro ang pagkakaroon ng “well-prepared, well-equipped, and flexible graduates and lifelong learners.”

Mula nang itago ito ng Kongreso noong 1994 bilang bahagi ng repormang pang-edukasyon, umunlad at nabigyan ang CHED ng karagdagang mandato at katungkulan.

Ayon kay Villanueva, kasama sa bagong CHED charter ang mga mandato na ibinigay sa Komisyon sa loob ng halos tatlong dekada.

Inililinaw sa inirebisang charter ang mga katungkulan ng Komisyon, at nagtatatag ng mga provincial office upang maghatid ng serbisyo sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Sa ilalim ng bagong charter, gagawa ang CHED ng roadmap para sa mataas na edukasyon ng bansa, at susuriin ito kada 10 taon para matiyak ang pag-unlad ng kalidad ng mga graduate sa bansa.

Ilalahad ng mga technical panel ng Komisyon ang direksiyon para sa mga disiplina at karera o degree programs ng bansa. Kabilang sa mga Technical Panel ng CHED ang mga kinatawan ng industriya, maging sa pampubliko at pribadong institusyon ng mataas na edukasyon.

Isinusulong din sa nirebisang CHED charter ang mas aktibong koordinasyon sa Department of Education (DepEd) at sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para magkaroon ng kaisahan sa polisiya, plano, at programa ng kabuuang sektor ng edukasyon.

“Matitiyak natin ang progresibo at magkatugmang pag-unlad ng buong sistema ng edukasyon kung may maigting na koordinasyon ang bawat education subsector,” ani Villanueva.

Bilang dating TESDA Director General, panawagan ni Villanueva na magkaroon ng “collaborative governance regime” sa pagitan ng tatlong ahensiya.

“Hindi po dapat pinagwawatak-watak ng tinatawag nating “trifocalized education” ang hurisdiksyon sa pagitan ng DepEd, CHED, and TESDA. The set up is meant to break silos instead of putting up walls. Dapat masalamin sa bawat antas ng pag-aaral ang pambansang polisiya sa edukasyon, mula elementary hanggang college, postgraduate, pati na technical-vocational courses,” sabi ni Villanueva.

Ginagarantiya rin ng nirebisang CHED Charter ang religious freedom sa mga higher education institution para sa mga estudyante, faculty, at mga miyembro ng academic community. (NIÑO ACLAN)

About Niño Aclan

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …