ASAHAN ang pag-usbong ng mga microgrid system sa mga kanayunan sa buong bansa ngayong ganap nang batas ang pagtatatag nito, pati ang posibilidad na maisakatuparan ang total electrification o pagpapailaw sa bawat sambahayan sa pagtatapos ng taon, ani Senador Win Gatchalian.
“Ngayong ganap na itong batas, umaasa tayo na ang bawat sulok ng bansa ay magkakaroon na ng koryente sa kani-kanilang mga bahay gamit ang makabagong teknolohiya sa pagtataguyod ng pribadong sektor,” sabi ni Gatchalian, tanging may akda at sponsor sa Senado ng Republic Act 11646 o ang Microgrid Systems Act na nilagdaan bilang batas ng Pangulo noong Enero 21.
Dahil papayagan ngayong mag-operate ang mga microgrid system providers (MSPs) saanmang lugar sa bansa, inaatasan ng RA 11646 ang Department of Energy (DOE) na ideklara ang mga ‘unserved’ at ‘underserved’ na lugar para sa electrification at dapat bigyan ng serbisyo ng mga MSP.
Magbibigay daan ito sa pagpasok ng pribadong sektor na mangangasiwa sa mga MSPs na hindi na kakailanganin ng waiver mula sa mga distribution utilities. Ibig sabihin, mas mapabibilis ang proseso ng pagpapailaw.
Ang unserved areas ay ‘yung mga lugar na walang koryente samantala ang mga underserved areas naman ay mga lugar kung saan limitado ang suplay ng koryente.
Ang microgrid ay maaaring paandarin ng maliliit na power generation facilities o ng mga decentralized power generation (DPG), mga baterya at mga renewable sources tulad ng solar at hangin.
“Napapanahon ang pagsasabatas nito dahil ang mga kasuluksulukang lugar sa bansa na hindi naaabot ng mga linya ng koryente ay maiilawan na gamit ang teknolohiyang microgrid,” sabi ng senador.
“At kahit may dumating na bagyo at padapain ang mga transmission lines, towers, at poste ng mga koryente tulad ng pinsalang dulot ng bagyong Odette, mas mapabibilis ang rehabilitasyon sa lugar na may microgrid dahil mas maliit ang sakop nito,” pagtatapos ni Gatchalian. (NIÑO ACLAN)