PINURI at pinasalamatan ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) si re-electionist at Senator Joel “TESDAMAN” Villanueva dahil sa ‘di matatawarang suporta at tulong sa sektor ng edukasyon tulad ng mga dagdag na pondo para sa State Universities and Colleges (SUCs) sa ilalim ng 2022 national budget.
Kinilala ng PASUC si Villanueva bilang Champion of Higher Technical and Vocational Education sa senado dahil sa isinulong nitong mga batas at mga inisyatiba at reporma sa edukasyon.
Ilan sa mga batas na ito ang Free Tuition Law, Philippine Qualifications Framework Law, Labor Education Law, National Higher Education Day Law, at ang mga batas na nagtatag ng mga bagong satellite campuses at conversion ng mga public college para maging state university.
Sa ilalim ng 2022 national budget, isinulong ni Villanueva ang P3 bilyong pondo para sa “smart campus” at ang modernisasyon ng mga pasilidad at kagamitang pang-ICT na magagamit sa flexible learning, ang student assistance program para sa mga mag-aaral ng mga SUC at ang halos P3 bilyong pondo para sa Medical Scholarship at pagtatayo ng mga bagong schools of medicine sa ilalim ng Doktor para sa Bayan Law na trinabahong maging batas ng Senador.
Tinukoy din ng PASUC na talagang tunay na empleyado sa senado si Villanueva dahil sa hangarin niyang makalikha ng trabaho at matiyak na magkaroon ng trabaho ang mga bagong graduates.
Saludo rin ang PASUC kay Villanueva dahil sa kanyang mga adbokasiya at walang kapagurang paglilingkod para protektahan ang interes ng mga manggagawa at upang maibalik ang mga nawalang trabaho at hanapbuhay dahil sa CoVid-19.
Agad nagpasalamat si Villanueva sa papuri at pasasalamat at tiwalang nakuha mula sa PASUC.
Ani Villanueva, ginagawa niya ang sinumpaang tungkulin bilang halal na mambabatas.
Tiniyak ng re-electionist senator na hindi siya magsasawang maglingkod para iangat ang kalidad ng edukasyon, tulungan ang mga guro at mga mag-aaral, at mapalakas ang mga industriya para matiyak na may maganda at maraming trabahong makukuha ang fresh graduates.
Sinabi ni Villanueva, tuloy ang kanyang misyon at naniniwala siyang lalong kailangan si TESDAMAN sa Senado upang hindi maudlot ang mga nasimulang reporma sa edukasyon lalo ang pag-angkop ng mga pamantasan at training institution sa digital technology at pagbibigay ng pangmatagalang solusyon sa problema ng job-skills mismatch.
Sa ilalim ng 2022 national budget, ang sektor ng edukasyon ang isa sa mayroong pinakalamaking pondo na umabot sa P788.5 bilyon na mas mataas ng P36.8 bilyon o 4.9% kompara noong nakaraang taon.
(NIÑO ACLAN)