PALAKASIN ang mga government hospitals laban sa CoVid-19 at iba pang karamdaman ang layunin ng inilatag na 2022 national budget.
Sinabi ito ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance na nanguna sa pagpasa ng pambansang pondo para ngayong 2022.
Ani Angara, pangunahing layunin ng 2022 national budget na mapalakas ang healthcare system ng bansa upang mapunan ang mga pangangailagan ng government hospitals sa laban nito sa posibleang pagdami pa ng CoVid-19 variants at maaksiyonan ang mga pangangailangang medikal ng CoVid-19 patients.
“Nakikita naman natin, ang dami na namang kaso ng CoVid-19 ngayon. Kaya, tama lang talaga na binigyan natin ng sapat na suporta ang ating government hospitals dahil sila ang takbuhan ng mga kababayan nating walang kakayahang magpagamot sa mga pribadong ospital. Kahit limitado ang pondo ng gobyerno ngayon, dapat, sapat pa rin ang budget para sa ating health systems,” ayon kay Angara.
Kabilang sa government hospitals na tumanggap ng malaking pondo sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA) ang UP-Philippine General Hospital (UP-PGH) na may dagdag budget na umaabot sa P510 milyon. Ito ay para mailaan sa pagsasaayos ng kanilang mga pasilidad at pagbili ng mga makabagong kagamitan.
Halagang P169.7 milyon ang inilaan para sa improvement ng kaniang Central Intensive Care Unit, habang P130 ang alokasyon para sa kanilang Dual Plane Angiogram Suite. Ito ay para sa epektibong pangangalaga sa mga pasyenteng sasailalim sa cardiac at vascular procedures.
Pinaglaanan din ng P120 milyong pondo ang rehabilitasyon ng Nurse’s Home Building o mas kilala sa taguring “Bahay Silungan.” Base ito sa kahilingan ni Dr. Gap Legaspi, Director ng PGH, para magkaroon ng pansamantalang matutuluyan ang PGH healthworkers at ang ilang transient patients.
Kabuuang P90 milyon din ang inilaan sa fire protection system ng Central Block Building ng PGH upang mas masiguro ang kaligtasan ng ospital na dumanas ng malaking pinsala sa naganap na sunog nang nakaraang taon.
Sa ilalim pa rin ng 2022 GAA, pinaglaanan ng kabuuang pondo na P656.8 milyon ang East Avenue Medical Center (EAMC) para sa kinakailangang upgrade ng kanilang pasilidad at mas mapalakas ang kanilang serbisyo sa publiko.
Kabilang sa naturang pondo ang P127.6 milyon para sa konstruksiyon ng kanilang Multispecialty Catheterization Laboratory; P60 milyon para sa CT Scan machine; P58 milyon para makabili ng makabagong neurosurgical equipment at para sa renovation at upgrading ng iba’t ibang pasilidad ng nasabing pagamutan.
Nakatanggap ng karagdagang pondong P75 milyon ang Lung Center of the Philippines (LCP) para mas mapunan ang mga kinakailangang gamutan ng mga pasyenteng may lung cancer at iba pang sakit sa baga.
At para masuportahan ang taunang screening ng hanggang 400 pasyente, naglaan din ng karagdagang P25 milyon. Layunin nito na magkaroon ng early detection sa mga pasyenteng posibleng may lung cancer.
Naglaan ng P20 milyon para sa lung transplant program ng LCP para sa mga pasyenteng nasa advance stage ng nasabing karamdaman.
Halagang P30 milyon ang inilaan sa Hospital Information System ng LCP dahil ayon kay Dr. Vincent Balanag, Direktor ng LCP, 10 taon na ang kanilang IT system at nangangailangan ng upgrading.
Tumanggap ng alokasyong P8.5 milyon ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC), kaugnay ng kanilang pakiusap na mapagkalooban ng medical assistance ang mga batang may congenital heart disease na nangangailangan ng agarang operasyon.
“Dahil walang kakayahan ang mga kababayan nating mahihirap na makapagpagamot sa mga pribadong ospital, mahalagang mapalakas natin ang government hospitals upang matulungan sila sa kanilang mga suliraning medikal. Taglay ng mga ospital na ito ang specialized care na itinuturing na kabilang sa pinakamagagaling sa buong bansa. Dahil diyan, patuloy natin silang susuportahan sa kanilang layuning mas mapalakas at mapaunlad ang kanilang serbisyo at mga pasilidad para sa kapakan ng bawat Filipino,” saad ni Angara. (Niño Aclan)