SIMULA 10 Enero 2022, isasailalim sa total lockdown ang mismong gusali ng senado, kaya nangangahulugang ‘walang pasok’ ang mga empleyado mula ngayong araw hanggang 16 Enero 2022.
Ang kautusan na ipasara ang gusali ng senado ay mula kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, matapos mabataid na 46 empleyado ang nagpositibo sa CoVid-19 samantala 175 empleyado ang nasa quarantine restrictions.
Mismong ang pamunuan ng Senate Medical and Dental Bureau ang nagbigay ng rekomendasyon kay Sotto, kaya agad tinugunan.
Bukod sa pagsasara ng senado, isasailalim ito sa disinfection upang matiyak na walang kontaminasyon ng virus ang loob ng gusali bago tuluyang pabalikin ang mga empleyado.
Inaasahang sa pagbabalik ng sesyon sa 17 Enero 2022, malinis at nabigyan ng sapat na proteksiyon ang mga papasok lalo ang mga senador na dadalo sa sesyong pisikal.
Bago ito mangyari, binalak ng pamunuan ng senado na ibalik ang regular na pasok dahil sa pagbaba ng bilang CoVid-19 infected ngunit dahil sa panibagong numero at bilang ay nagbago ang lahat.
Pinaalalahanan ni Senate Secretary Atty. Myra Marir Villarica ang lahat ng mga kawani ng senado na papasok sa Lunes, 17 Enero, ay kailangang sumunod sa mga safety protocols.
Iginiit ni Villarica, kailangang nakasuot pa rin ng face mask, daraan sa temperature check, mag-alcohol at maghugas ng kamay tuwina at panatilihin ang social distancing.
Binigyang-linaw ni Villarica sa lahat, walang sinoman ang maaaring mangalaga ng kanilang mga sarili kundi ang kanilang sarili rin.
(NIÑO ACLAN)