PINAGTIBAY ng senado sa third at final reading ang panukalang Expanded Solo Parents Welfare Bill ito ay upang mabigyan ng dagdag na proteksiyon ang mga solo parent sa buong bansa.
Sa botong 22-0-0 ng mga senador ay napagtibay ng senado ang panukalang batas na aamyenda sa Republic Act No. 8972, o kilala din sa tawag na Solo Parents Welfare Act of 2000.
“The Senate has come together to lift up an invisible and marginalized segment of our population, the solo parents,” ani Sen. Risa Hontiveros, isang single mother at Chairman ng Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na siyang tumindig sa naturang panukalang batas.
Ang SBN 1411 o proposed Expanded Solo Parents Welfare Act na tumutukoy sa kabuuang proteksiyon ng solo parents kabilang rito ang livelihood opportunities, legal advice and assistance, counseling services, parent effectiveness services, stress debriefing, at iba pa anoman ang uri o katayuan o estado sa buhay.
Nakapaloob din sa naturang panukala na ang sinumang indigent solo parents ay maaaring makatanggap ng isang P1,000 cash subsidy kada buwan mula sa kanyang local government units.
Maaari din pagkalooban ng scholarships at grants ang solo parents at kanilang mga anak partikular sa higher at technical/vocational education training at awtomatikong nasa coverage ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sila rin ay prioridad sa mga government housing project nang sa ganoon ay mayroon silang maayos na tahanan.
Bukod sa kasalukuyang “leave” na ipinagkakaloob ng batas sa isang empleyado ng pamahalaan at pribadong kompanya, ang lahat ng solo parents na nagtatarbahao ay bibigyan din ng dagdag na pitong araw na parental leave na mayroong bayad at prayoridad sila sa sa mga telecommuting arrangements.
“Habang may pandemya, mas lalong mahalagang mapabilis pa ang pagsasabatas nito. Naging mahirap ang pagtulak sa Expanded Solo Parents Welfare Act, pero saksi ako sa tiyaga ng mga solo parents sa pagkampanya para sa pagpasa nito, kaya’t lubos ang aking pasasalamat dahil hindi kami bumitaw sa laban,” dagdag ni Hontiveros. (NIÑO ACLAN)