HATAWAN
ni Ed de Leon
NAKASAMA ang party list ni Nora Aunor, iyong NORA A, sa listahan ng 127 party lists na binutata ng Comelec. Kumalat ang listahan ng mga nabutatang party lists noong Sabado ng hapon. Wala namang naging paliwanag ang Comelec kung bakit nabutata ang mga party lists na iyon, pero may kapangyarihan ang poll body na bawasan ang mga nag-file na party lists para tumugon lamang sa tamang bilang. Hindi naman maaaring kahit na sino ay bumuo na lang ng party list.
Hindi pa naman butatang-butata si Nora. Maaari siyang magharap ng appeal sa Korte Suprema, patunayan niya ang kakayahan ng kanyang party list, at mangatuwiran kung bakit sa palagay niya ay nagkamali ang Comelec na makasama siya sa mga partidong ibinasura.
Ilang mga observer at election lawyers ang nagbigay ng opinion na ang isang party list ay kailangang mapatunayang may mga sektor ng lipunan na kinakatawan nila sa buong Pilipinas, at may mga samahan o mga kapartido nilang magpapatunay na sila nga ay kasapi rin sa party list na iyon. Kailangang may mga tanggapan sila sa bawat lalawigan, o kung hindi man kahit na rehiyon lamang para patunayan na sila nga ay kumakatawan sa mga sektor na sinasabi nila.
Sa kanilang statement, sinasabi ng NORA A na kinakatawan nila ang mga artist, ang mga senior citizen, ang LGBTQIA, mga magsasaka at iba pa. Pero walang mga pambansang samahan ng mga nasabing sektor na nagpahayag na kasapi sila sa party list na NORA A.
“Sa titulo pa lang, walag duda na itinayo ang partido para kay Nora. Ipinangalan sa kanya eh,” sabi pa ng isang election lawyer.
Bagong tatag din ang partido na sinasabi nilang mukhang itinatag para maihabol lamang sa party list deadline.
Pero kung mabilis ngang makapaghaharap ng apela ang mga abogado ni Nora sa Korte Suprema, mapatunayan nilang sila ay may kinakatawan ngang mga sektor at makakuha ng status quo ante order mula sa Korte Suprema, mababalewala ang pagkaka-butata sa kanila ng Comelec at may posibilidad na maging congresswoman pa rin si Nora.