SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
“UNIQUE. Hindi siya iyong typical story ng Filipino movies na napapanood natin.” Ito ang iginiit ni direk Lester Dimaranan ukol sa kanyang kauna-unahang full length movie na Nelia.
Ang Nelia ay mula sa A and Q Films Production, Inc., na ang istorya ay umiikot sa misteryo ng hospital room 009 na lahat ng pasyenteng naa-admit ay namamatay. Isang Nurse sa ospital, si Nelia (na ginagampanan ng global beauty queen at Kapuso actress na si Winwyn Marquez), ang susubok na mabunyag kung ano ang lihim sa likod ng pagkamatay ng mga pasyente ng Room 009.
Isinulat ni Atty. Melanie Honey Quiño Marquez, ang screenplay ng Nelia ay 15 years in the making ayon kay Direk Lester. ”Matagal nang naisulat ito ni Atty. Honey, 15 years ago pa. Actually, naalala ko, noong nilapitan ako ng A and Q para gumawa ng pelikula, iba dapat ‘yung gagawin namin noon eh. ‘Tapos, nag-pandemic. Naayos na namin lahat para sa production ng pelikulang iyon tapos biglang nag-lockdown. So, nilapitan ako ni Atty. Honey, ipinakita sa akin ‘yung synopsis ng ‘Nelia,’ and doon na nag-start ‘yung pagbuo namin sa pelikula.”
Sinabi pa ni Direk Lester na kakaiba sa panlasa at mga nakasanayang tema ng pelikulang Filipino ang Nelia. ”Suspense thriller siya, maraming aabangan ang manonood. Maraming turn ng events na ‘di mo aakalaing ganoon pala, ganyan pala. Psychological ‘yung movie kaya ‘yung effect sa manonood, psychological din. ‘Yung twists talaga, ‘yung akala mong ito ‘yung mangyayari magugulat ka na hindi pala,” sambit pa ni Direk Lester.
Ang Nelia ang natatanging pelikula na suspense thriller kaya kaabang-abang sa 2021 Metro Manila Film Festival (MMFF).
“Malaki ang pasasalamat namin sa MMDA (Metropolitan Manila Development Authority), organizer ng MMFF dahil isa kami sa napili nilang pelikula this year. Napakalaking bagay po nito sa amin, sa A and Q dahil nabibigyan ng pag-asa ang mga baguhan at indie filmmakers na tulad namin na makapasok sa mainstream. Sana ay suportahan ng ating mga kababayan ang mga pelikulang ipalalabas sa MMFF this year, lalong-lalo na ang ‘Nelia,’ dahil ito po ang pagbabalik natin sa mga sinehan ngayong pandemic,” dagdag pa ni Direk Lester.
Ang Nelia ay mapapanood sa December 25 sa mga piling sinehan sa buong Pilipinas. Bukod kay Winwyn, kasama rin dito sina Raymond Bagatsing, Mon Confiado, Ali Forbes, Shido Roxas, at Juan Carlos Galano.