NANAWAGAN si vice presidential aspirant Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa lahat na huwag sayangin ang tatlong araw na National Vaccination Day upang mabakunahan.
Naniniwala si Pangilinan, ito ang magiging susi upang mawakasan o tapusin ang pandemya sa buong bansa.
“Ang pagpapabakuna ay proteksiyon kontra CoVid-19 para sa ating sarili, mga mahal sa buhay, at kapwa. Makilahok at magpabakuna ngayong 29-30 Nobyembre hanggang at 1 Disyembre 2021 sa three-day National Vaccination Day,” ani Pangilinan.
Hinikayat ni Pangilinan ang lahat na alisin ang agam-agam sa bakuna.
Iginiit ni Pangilinan, naririyan ang ating mga doktor, nurse, at iba pang health workers sa vaccination centers para matiyak na mapapangalagaan tayo sa araw ng bakuna.
“Tapusin na natin ang pandemya, makinig sa mga eksperto, tayo ay magpabakuna upang protektahan ang sarili at pamilya,” dagdag ni Pangilinan.
Paalala ni Pangilinan, hindi biro ang virus lalo na’t mayroon na namang bagong variant na ang tawag ay omicron.
“Habang inaalam ang mga katangian ng variant na ito, makinig tayo sa payo ng WHO, mag-face mask, mag-physical distancing, at hangga’t maaari, huwag munang lumabas at pumunta sa matataong lugar,” ani Pangilinan. (NIÑO ACLAN)