BIGO ang team ng Office of the Sargent at Arms (OSAA) ng Senado na maaresto si dating Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) Undersecretary Christopher Lao sa mga address na kanyang itinala.
Batay sa inilabas na impormasyon at larawan at video ng Senate PRIB, lumalabas na walang Christopher Lao na nanunuluyan sa mga address na kanyang ibinigay.
Sa kanyang Queensland Manor Condominium, isang babae ang nakatira roon at umano’y kamag-anak ng asawa ni Lao.
Samantala, sa Le Jardin De Villa Abriless Subdivision sa Maa, Davao City na nakarehistrong pag-aari niya ay walang tao at bakante ang naturang bahay.
Ipinag-utos ng Senado ang agarang pag-aresto kay Lao, dahil na apat na beses nang hindi dumadalo sa pagdinig.
Hindi tulad ng mga cabinet member na hindi maipaaresto ng senado dahil sa kautusan ng Pangulo, malinawga na sinabi ni Senador Richard Gordon na hindi kasama sa kautusan ng Pangulo si Lao dahil hindi na siya bahagi ng Executive Department.
Sa kabila nito, patuloy ang pagsisikap ng mga tauhan ng OSAA na mahanap ang kinalalagyan ni Lao.
Si Lao ang lumagda sa lahat ng procurement approval ng pamahalaan sa Pharmaly Pharmaceutical Inc., na iniimbestigahan ng Senado dahil sa korupsiyon.
(NIÑO ACLAN)