USAPING BAYAN
ni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
NAPAKAGANDA po ng homilya nitong nagdaang araw ng Linggo sapagkat muling ibinisto ng Poong Hesukristo ang kaipokritohan ng mga nagpapasasa sa kawalan ng karamihan.
Ayon kay San Marcos (Marcos 12:41-44) nag-obserba o nagmasid ang Poong Hesus sa pag-aabuloy na ginagawa ng mga tao sa Kaban ng Bayan. Napansin ng ating Poon na malalaking halaga ang iniabuloy ng mayayaman sa kaban pero ang mas higit na nakatawag ng kanyang pansin ay ang abuloy na dalawang piseta ng isang mahirap na biyudang babae. Ang abuloy ng nasabing babae ay may katumbas lamang na halagang ilang sentimo.
Bukod dito napag-alaman pa rin natin mula sa sulat ni San Marcos na ang ibinigay ng biyuda ay ang kanyang huling piseta kaya nasabi ng Poong Hesus na higit na may halaga ang abuloy na ito kaysa malalaking halaga na ibinigay ng mayayaman na nagmula sa mga sobrang kayamanan nila.
Sinabi ng ating Poon na sa gitna ng kawalan ng babae ay nagawa nitong ibigay ang lahat ng nasa kanya samantala ang ibinigay na malalaking halaga ng mayayaman ay mula lamang sa kung anong sobra sa kanila. Dahil dito ay mas matimbang ang ibinigay na abuloy ng babae kaysa ibinigay ng mayayaman dahil ito ay may sakripisyong kaakibat.
Ang abuloy ng mayaman ay walang kaagapay na sakripisyo kundi isa itong paraan para lalo lamang kuminang ang kanilang pangalan o estado sa lipunan. Malinaw sa isinulat na ito ni San Marcos na hindi ang laki o dami ng ibinigay kundi ang kalidad o esensiya ng ibinigay ang mas mahalaga sa mata ng ating Panginoon.
Dapat nating maunawaan na ang ibig sabihin ng yaman sa kontekstong ito ay ang pagkakamal ng sobra ng iilan dahilan upang mawalan ang karamihan. Pansinin na hindi lumalaki ang mundo at ang likas yaman ng daigdig kung kaya’t kung kakamkamin ng iilang malalaki, malalakas at tuso ang yaman na ito ay tiyak na mawawalan ang maliliit, mahihina at mga kapos palad.
Ito ang dahilan kung kaya’t ang sobra na ipinamimigay ng mayayaman ay kinakailangan, pagbabalik mumo lamang sa kanilang kinamkam at hindi tunay na pagbibigay sa kanilang mga kinuhaan ng yaman. Samantala, ang ibinibigay ng mga aba, pinagkaitan, at inaapi, lalo na’t kung isusubo na lamang, ay napakatimbang para sa Poong Maykapal dahil lagpas na ito sa hinihingi ng katarungan. Ang abuloy na ito ay bunga ng pag-ibig na siyang esensiya ng ating manlilikha.
Walang interes ang Diyos sa yaman ng mundo dahil sa kanya’t likha niya ito. Hindi niya kailangan ang yamang abuloy. Ang ibig ng Diyos para sa mga taong tumatangan ng yaman ay ipamigay nila ito (Marcos 10:21) sa mga kapos bago nila tangkain na sumunod sa kanyang mga utos.
Ang interes ng Dakilang Manlilikha ay naroon sa ating pagsunod sa kanyang dalawang mabigat na kautusan… Ang pagkilala at pag-ibig sa Diyos nang buong puso, kalulwa, isip at lakas; at paglilingkod sa kapwa nang buong puso, kalulwa, isip at lakas (Marcos 12:28-34). Ang dalawang kautusang ito ay magkahalintulad ang timbang kung kaya’t napakahalaga na ating sundin nang walang alinlangan at pagiimbot.
– 30 –