MAGPUPULONG ngayong araw, 8 Nobyembre, ang Sangguniang Panglungsod ng Muntinlupa upang magpalabas ng lokal na panuntunan na maaaring mas mahigpit sa itinakdang Guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases para pairalin sa lungsod.
Ayon kay Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi, kinikilala ng city government ng Muntinlupa ang pagpapalabas ng epektibong latest guidelines, may petsang 4 Nobyembre 2021, sinasabing sa ilalim ng Alert Level 2, ang ilang establisimiyento ay pinapayagan sa 50% indoor venue capacity para sa fully vaccinated individuals at para sa 18-anyos kahit ‘di bakunado habang nasa 70% ang venue capacity ng outdoor.
Gayonman, dahil pinapayagan ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng kanilang sariling guidelines, ipinauubaya ng CGM sa Sangguniang Panglungsod ang pagbuo ng batas na paiiralin sa lungsod, sa isasagawang regular sesyon ngayon.
Ngayong mas pinaluwag ang restrictions tulad ng pagpayag makalabas ng bahay ang mas maraming tao, nanawagan ang alkalde sa residente at hindi taga- lungsod na nagtutungo sa mga establisimiyento na palaging sumunod sa minimum health standards at mas masusing pag-iingat upang makaiwas sa CoVid-19.
(JAJA GARCIA)