SIMULA ngayong araw ng Huwebes, 4 Nobyembre 2021, tatanggalin na ang pagpapatupad ng curfew hours kaugnay ng operasyon ng mga shopping mall sa Metro Manila.
Ito ang inaprobahan ng Metro Manila Council (MMC), ang policy making body ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa bisa ng MMDA Resolution No. 21-25, tinanggal na ang pagpapatupad ng curfew hours mula 12:00 am hanggang 4:00 am.
Ito ay dahil sa ipatutupad na adjustment mall operating hours sa Metro Manila para sa buwan ng Kapaskuhan.
Anila, upang ang mall goers at mall employees ay magkaroon ng sapat na oras sa kanilang pag-uwi ng bahay.
Sinabi ni MMDA chairperson, Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., base sa pakikipagpulong nila sa mall owners and operators, simula 15 Nobyembre, ang operasyon ng mga shopping mall sa Kalakhang Maynila ay magiging 11:00 am hanggang 11:00 pm.
Ngunit ang curfew hours para sa mga menor de edad ay magiging hurisdiksiyon ng local government upang patuloy na maipatupad ang CoVid-19 protocol.
Ayon sa MMDA, patuloy na ipatutupad ang pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing.
Ang pagtatanggal ng curfew hours sa Metro Manila ay dahil na rin sa pinagkasunduan ng mga Metro mayors. (GINA GARCIA)