ISANG babaeng akusado sa carnapping ang hinuli ng mga pulis sa Muntinlupa City, nitong Lunes, 1 Nobyembre.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) chief, BGen. Jimili Macaraeg ang naarestong suspek na si Glenda Panganiban, 34 anyos, residente sa nasabing lungsod.
Sa ulat ng SPD, kasabay ng paggunita ng All Saints’ Day, inaresto ng mga tauhan ng District Anti- Carnapping Unit (DACU), District Intelligence Division (DID) at ng Muntinlupa Sub Station 3 Alabang si Panganiban sa East Service Road, Alabang dakong 8:00 pm nitong Lunes.
Nauna rito, nagkasa ng serye ng surveillance ang mga awtoridad upang matunton ang suspek.
Inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Muntinlipa City Regional Trial Court Branch 204 sa ilalim ng Criminal Case No. 20-1500 dahil sa paglabag sa RA 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016.
Ang hukuman ay nagrekomenda P180,000 piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek.
Kasalukuyang nakapiit si Panganiban sa Muntinlupa Custodial Facility. (GINA GARCIA)