MALAKING dagdag presyo ang ipatutupad ng ilang kompanya ng langis sa liquefied petroleum gas (LPG) nitong 1 Nobyembre.
Sa anunsiyo ng Petron Corporation, epektibo dakong 4:00 pm nitong Lunes, itataas sa P3.10 (VAT-inclusive) ang presyo ng kada kilo ng Gasul at Fiesta Gas katumbas ng P34.10 dagdag-presyo sa bawat 11 kilogram LPG tank.
Papatungan din ng Petron ng P1.73 ang presyo ng kanyang Auto LPG na karaniwang ginagamit sa mga taxi.
Ang bagong price increase ay bunga ng pagtaas ng contract price ng LPG sa pandaigdigang merkado.
Nitong nakaraang 1 Oktubre, pinangunahan ng Petron ang pagtaas ng P4.00 sa presyo ng LPG at P2.24 sa Auto LPG .
Nasundan pa ito noong 8 Oktubre, nang magtaas muli ang Petron ng P3.40 sa LPG at P1.90 sa kanyang auto LPG. (GINA GARCIA)