SA ISINAGAWANG Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) ng mga tauhan ng Pasay City Police, nasakote ang dalawang hinihinalang kasapi ng noturyos na Romil Villamin Criminal Group sa lungsod nitong 30 Oktubre.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director, BGen. Jimili Macaraeg ang mga nasakoteng suspek na sina Raymond Andrade, alyas Raymond, 27, at Yuri Acelar, alyas Yuri, 32, kapwa taga- Pasay City.
Ayon sa ulat, nagkasa ng SACLEO ang mga tauhan ng Station Intelligence Section nang arestohin ang mga suspek sa Twin Pioneer Street, Brgy. 148, Zone 16, Pasay City,dakong 6:00 pm nitong Sabado.
Nauna rito, mula sa operasyon sa Narra St., Brgy. 145, Zone 16, nakatanggap ng impormasyon ang awtoridad na nakaposisyon ang dalawang suspek sa Twin Pioneer St., habang naghahanda sa gagawing pambibiktima.
Pagsapit sa lugar, nadatnan ng mga pulis sina Andrade at Acelar na kapwa walang suot na face masks habang nag-uusap.
Nakahalata ang dalawang suspek kaya agad tumakbo ngunit nasakote ng mga pulis.
Nakuha mula kay Andrade ang isang Colt Black caliber .38 revolver na walang serial number at tatlong bala, isang Smith & Wesson black caliber .38 revolver, walang serial number at isang bala ang narekober kay Acelar, kaya inaresto at inisyuhan ng City Ordinance Violation Receipt.
Bukod sa paglabag sa City Ordinance No.6129 (No Facemask), sasampahan sina Andrade at Acelar ng kasong Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nakakulong ang dalawa sa Custodial Facility ng Pasay City.
“Our goal is to protect public safety by focusing on preventing violent crimes from occurring, that is why our strategy has been to collect intelligence and act on that information in real time to pre-empt victimizing communities. We are after eliminating criminal gangs especially their leaders, we await more arrest in the days to come,” pahayag ni BGen. Macaraeg.
(GINA GARCIA)