HANDA si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman, Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., na makipag-dialogo sa street vendors partikular sa Baclaran na nasasakupan ng mga lungsod ng Pasay at Parañaque.
Ito ang naging tugon ni Abalos sa biglang pagdami ng bilang ng illegal vendors sa Baclaran matapos ang ibaba ang alert level 3 sa Metro Manila na posibleng maging sanhi ng pagkalat muli ng kinatatakutang CoVid-19.
Naunawaan aniya ang kalagayan ng mga vendor na matagal nawalan ng kita dahil sa pandemyang dulot ng CoVid-19 na dalawang taon nang nanalanta sa buong mundo.
Ngunit nakiusap ang opisyal sa street vendors na kung maaari ay huwag sakupin ang kalsada para sa mga motorista at pedestrian.
Inatasan ni Abalos ang kanyang mga tauhan na ipatupad ang pagbabantay sa illegal vendors sa Baclaran ngunit iniutos ng opisyal na huwag kukunin ang mga paninda ng mga vendor “for humanitarian reason| dahil alam ng MMDA Chairman na apektado rin sila ng krisis dulot ng pandemya.
Iginiit ni Abalos, dahil sa nalalapit na ang Pasko naunawaan niya ang kalagayan ng mga street vendor na kailangan kumita pero dapat ay may disiplina sa lansangan upang maiwasan ang hawaan ng CoVid-19 at upang maging maayos at masaya ang lahat sa araw ng Pasko. (GINA GARCIA)