SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAKATIKIM ng supalpal mula kay Joey de Leon, Eat Bulaga host ang mga gumamit sa pangalan niya para magpakalat ng fake news ukol sa pagbitiw umano niya ng suporta sa tambalang Ping Lacson-Tito Sotto sa 2022 national elections.
“Anak ng pating eh halos pitong buwan pa bago mag-election pero nagkalat na fake news! Kesyo ako daw, gamit ang mukha at pangalan ko, iniendorso ang isang kandidato!,” sambit ng Pinoy Henyo Master.
“Pwede ba, nasa litratong ito natural ang aking iboboto. Eh PITONG presidente na kaming magkakasama! Kailangan pa bang i-explain yan? Dun sa mga “friends” ko kuno, fact check muna before posting! Erection ang problema ko hindi election! Ginagalit nyo ‘ko eh!,” lahad pa ni Joey sa kanyang post na naka-tag si @helenstito.
Hinanap naming ang sinasabing fake news at nakita namin ang larawan ni Joey na pinalalabas na may ibang kandidatong sinusuportahan. Pero kung mapanuri ang netizens, halatang-halata na edited ang larawan. Maging ang caption na idinikit sa picture ni Joey, makikitang kaduda-duda.
Ang malungkot nga lang, may iilan na naniwala dahil ni-like, nag-comment, at may nag-share pa.
Kilalang mahusay na gumamit ng mga pahiwatig si Joey na sobrang likot ng utak sa pag-iisip. Sinabi niya dati ang pagsuporta kina Ping at Tito na “too” good ang dalawa kapag nagsama, at ang “too” ay puwede ring “two.”
Ngayon naman sa PITOng presidente na binanggit niya, puwede ring maglarawan sa tambalang Ping at Tito na kapag pinagsama eh “PiTo.” At dahil umaariba na ang tambalang PiTo, hindi nakapagtataka na marami pang fake news ang maglabasan para gibain ang dalawa na walang atrasan sa pagtakbong presidente at bise presidente ng bansa.