NATIMBOG ng mga awtoridad ang isang Chinese national at kasabwat nitong Pinoy sa pagbebenta ng matataas na kalibre ng baril bukod pa sa nakuhang ilegal na droga sa Makati City nitong Sabado, 23 Oktubre.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) chief, BGen. Jimili Macaraeg ang mga nahuling suspek na sina Huang Sia, alyas Jason Lee, 30 anyos, isang Chinese national; at Raffy Ballera, alyas Ivan, 29 anyos.
Sa report ng SPD, nagkasa ng buy bust operation ang mga tauhan ng DSOU NPD at Poblacion Police Substation ng Makati City Police sa isang inaarkilang parking area sa San Agustin St., Salcedo Village, Barangay Bel-Air, sa nasabing lungsod, dakong 4:10 pm nitong Sabado.
Nakabili ng baril ang police poseur buyer sa dalawang suspek na nagresulta ng kanilang agarang pagkakaaresto matapos tanggapin ang buy bust money.
Nakuhaan ang mga suspek ng apat na high powered firearms, may markang Spikes Tactical Apopka FL USA na nagkakahalaga ng P100,000; marked money; isang cigarette case na naglalaman ng isang gramong hinihinalaang cocaine, may street value na 5,000; at tatlong gramo ng pinasususpetsahang shabu, may halagang P20,400.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa dalawang suspek.
“Binabati ko ang matagumpay na operayon ng pinagsanib na puwersa ng NPD DSOU at ng Makati Police. Sa pagtutulungan ng iba’t ibang unit ng pulisya, dahil ang paghuli sa mga gumagawa ng ilegal ay mas lalong napaiigting,” ani Macaraeg.
(GINA GARCIA)