ni ROSE NOVENARIO
IMBES tumakbo bilang presidential candidate, ang anak ng diktador at dating senador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang piniling suportahan ni Davao City Mayor Sara Duterte at ng kanyang regional party Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa 2022 presidential elections.
Inamin ni Sara, sa kanilang pulong ni Bongbong ay tinalakay nila kung paano makatutulong ang HNP sa presidential bid ng anak ng diktador.
“Ang amoa lang nga giistoryahan, nga sa pagkakaron is how HNP in Davao Region can help his bid for the presidency,” aniya sa panayam sa media sa Cebu.
Hindi aniya nila napag-usapan ang posibilidad ng Marcos-Duterte tandem.
“Wala pa’y istorya mahitungod niana.”
Ipinaskil ni Sara sa social media ang mga larawan ng pulong nila nina Bongbong at Sen. Imee Marcos sa Cebu City nang dumalo sila sa birthday celebration ng asawa ni House Majority Leader Martin Romualdez na si Tingog partylist Rep. Yedda Romualdez.
Matatandaan noong 9 Setyembre 2021, inihayag ni Sara na hindi na susuporta sa PDP-Laban ang HNP.
Ang tambalang Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Sen. Christopher “Bong” Go ang pambato ng PDP-Laban Cusi faction at inendoso ni Pangulong Rodrigo Duterte.