PINANGASIWAAN ni PRO3 PNP Regional Director P/BGen. Valeriano De Leon ang panunumpa sa katungkulan ng mga bagong kaanib ng Philippine National Police kasunod ng pagpapakilala ni P/Col. Joyce Patrick Sangalang, hepe ng Regional Personnel and Records Management Division, nitong Biyernes ng umaga, 22 Oktubre, sa PRO3 Grandstand, Camp Olivas, lungsod ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga.
Pupunuin ng 231 matatagumpay na aplikante ang mga puwang para sa Patrolman Attrition Quota para sa CY 2021 upang madagdagan ang kapangyarihan ng pulisya, mapagbuti ang police-to-population ratio, pagbutihin ang police visibility program at anti-insurgency operation ng PNP.
Pinili ang mga bagong police personnel matapos ang mahigpit na proseso ng pagsala na isinagawa ng Regional Screening Committee on Recruitment na pinamunuan ni P/BGen. Narciso Domingo, PRO3 Deputy Regional Director for Administration.
Matapos ang seremonya ng panunumpa, sasaailalim ang mga bagong kaanib sa karagdagang isang taon pagsasanay sa Regional Training School 3 sa bayan ng Magalang, Pampanga.
“Bilang mga bagong pulis, magsumikap kayo na maging instrumento ng pagbabago at katuparan ng mga mithiin ng PNP. Huwag ninyong sasayangin ang pagkakataong ibinigay sa inyo at lagi ninyong alalahanin na marami ang ipinatawag upang umanib, ngunit kayo ang pinalad na mahirang. Namnamin ninyo ang inyong training at sandaling panahon lang na mawawalay kayo sa inyong pamilya. Sila ang gawin ninyong inspirasyon. Tandaan ninyo, malaki ang inyong gagampanang tungkulin sa patuloy na pagbuo ng isang huwarang pambansang pulisya na kinabibilangan ng mararangal, mga propesyonal, at matatapat na mga miyembro nito at isa kayo sa magiging bahagi ng mga pangarap na ito,” pahayag ni P/BGen. De Leon.
(MICKA BAUTISTA)