BULABUGIN
ni Jerry Yap
HINDI lang pala kalihim ng enerhiya at political party executive si Secretary Alfonso Cusi.
Isa na rin pala siyang ‘manghuhula’ o clairvoyant.
Mantakin ninyo, hinulaan niyang sa mga susunod na buwan na hindi na umano tataas pa ang presyo ng langis?!
Ilang beses nang nagtaas ng presyo ang mga kompanya ng langis sa bansa pero walang ginawang hakbang ang ahensiyang pinamumunuan ni Secretary Cusi.
Imbes gumawa ng mga hakbang para hindi magtuloy-tuloy ang pagsirit ng presyo ngmga produktong petrolyo, aba e parang manghuhulang nagpahayag si Secretary Cusi na wala umano siyang nakikitang senyales na magtataas pa sa susunod na mga buwan. Kasunod ng hirit na depende pa rin ito sa mga kaganapan sa global oil market.
Hak hak hak!
Abe, ‘e, talaga namang, muntik tayong malaglag sa kinauupuan natin, e.
Ano na ba ang nangyayari Secretary Cusi?!
Kapag sinabi bang nagtaas ang presyo sa global oil market, puwede agad magtaas ng presyo ang mga kompanya ng langis dito sa atin?!
E hindi ba’t ang kinokonsumo ngayon ‘e ‘yung inangkat pa nila sa mababang halaga?! Kumbaga, balita pa lang na nagtaas na ang presyo ng langis sa ibang bansa, ipinatutupad na agad dito sa Filipinas.
Tsk tsk tsk…
“(But we’re) praying and hoping… based on the indication, the fundamentals we are seeing, hindi mangyayari,” pahayag ni Cusi nang tanungin ukol sa balitang magtataas muli ang presyo ng langis ng P7 sa susunod na dalawang buwan mula Oktubre.
O ‘yan ang eksaktong ‘hula’ ni Secretary Cusi, ha.
Mukhang hindi maganda, ang magulo at mabuway na sitwasyon sa politika ng PDP Laban (Cusi faction), hayan at apektado ang kalihim ng enerhiya.
Hindi na niya naaabatan o nasusubaybayan kung ano ang nangyayari sa mga kompanya ng langis na parang ‘lintang’ gustong sairin ang bulsikot ng maliliit na mamamayan sa katataas ng presyo.
Hindi ba’t sa bawat pagtaas ng presyo ng langis ‘e ‘yung maliliit na mamamayan ang apektado?!
Para raw mabawasan ang paghihirap na nararamdaman ng mga consumer, minabuti ng DoE na hilingin sa mga lokal na kompanya ng langis na magbigay ng diskuwento sa mga motorista.
Nakikipagpulong ang DoE sa Department of Transportation (DoTr), at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa panukalang magkaloob ng mga subsidiya upang matulungan ang mga nagmamaneho ng public utility vehicles (PUV) na sadyang tinamaan nang husto sa pagtaas ng presyo ng langis.
Bakit ngayon lang?!
“The DOE is also eyeing the possibility of suspending excise tax on gasoline and petroleum products,” pahayag ni Cusi.
Sa pinakahuling ulat, pinatataas umano ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPE) ang kanilang produksiyon ng 400,000 bariles ng langis kada araw upang mapabagal ang pagtataas sa global market prices.
Sa simula pa lamang ng taon, tumaas ang presyo ng krudo ng P18 kada litro at ang gasolina ng P19.70 kada litro.
Pero sa kabila nito, walang ibang inaasikaso si Cusi kundi ang kanyang tungkulin sa PDP Laban.
Tsk tsk tsk, nganga ang sambayanan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com