BAGSAK sa kulungan ang isang batilyo matapos makuhaan ng shabu ng mga tauhan ng Maritime police sa Navotas City, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Northern NCR MARPSTA chief P/Major Randy Ludovice ang naarestong suspek na si Rain Santos, 20 anyos, residente sa Los Martirez St., Brgy. San Jose.
Ayon kay Maritime police investigator P/CMS. Richard Denopol, dakong 9:00 am, habang nagpapatrolya sa Palengke St., Navotas Fish Port Complex, Brgy. NBBN ang mga tauhan ng MARPSTA sa pangunguna ni P/Cpt. Luisito Balatico sa ilalim ng pangangasiwa ni Major Ludovice sa pamumuno ni P/Col. Oliver Tanseco.
Dito, napansin ni Pat. John Rafael Remolar ang suspek na may hawak na isang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu kaya’t nilapitan niya ito at nagpakilalang pulis saka inaresto si Santos.
Narekober sa suspek ang isang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu at isang eye glass case na naglalaman ng tatlo pang plastic sachets ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P250 ang halaga bawat isa.
Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinakaharap ng suspek. (ROMMEL SALES)