SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SIMULA ngayong araw, Oktubre 19, mapapanood na ang ultimate heartthrob na si Piolo Pascual sa hit comedy-drama series ng TV5 na Niña Niño. Gaganap si Piolo bilang Mayor Christopher Charles Juarez, ang bagong halal na mayor ng Sitio Santa Ynez.
Ang Nina Nino ay inihahandog ng Cignal Entertainment at CS Studios at napapanood tuwing Lunes, Martes, at Huwebes, 7:15 p.m., pagkatapos ng Sing Galing at bago ang FPJ’s Ang Probinsyano sa TV5.
Isa si Piolo sa mga producer ng Niña Niño.
Bago ang pagpasok ni Piolo sa comedy-drama series, sinabi na ni Maja Salvador sa pamamagitan ng kanyang Instagram ang excitement sa pagpasok ng aktor sa kanilang serye.
Aniya, ”Pangarap ko lang to! Salamat Papa P!!! Next Movie naman please.”
Hindi ito ang unang pagkakataon na magkakatrabaho sina Piolo at Maja. Nakagawa na sila ng isang teleserye noong 2006, ang Sa Piling Mo na katambal ng aktor si Judy Ann Santos.