KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas
MUKHANG magtatagal sa Amerika si Sharon Cuneta para makaiwas sumagot sa tanong kung ano ang nararamdaman n’ya na biglang magkatunggali sa hangaring maging vice president ng bansa ang mister n’yang si Sen. Kiko Pangilinan at ang malamang ay ang favorite uncle n’yang si Sen. Tito Sotto.
Dati nang magkalaban sa politika ang dalawang senador dahil magkaiba sila ng partido. Ngayon lang nangyari na direkta silang maglalaban para sa posisyon ng vice president. Katiket ni Tito si Sen. Pamfilo Lacson bilang presidential candidate at si Kiko naman ay kaalyado ni incumbent vice president Leni Robredo.
Nakakagaan naman siguro ng loob ni Sharon na ang anak n’yang panganay na si KC Concepcion ay tahasan nang nagpahayag ng suporta sa kanyang “dad” na si Kiko.
Malamang na ikinatutuwa rin ng megastar na kahit na tahasang ini-”endorse” ni KC ang stepdad n’ya, wala namang sinabi ito laban sa uncle Tito n’ya.
Ang malamang na ikina-upset ni Sharon ay ang pahayag ni Ciara Sotto, bunsong anak ng mag-asawang Tito at Helen Gamboa, tungkol sa paglaban ni Senator Kiko sa ama n’ya.
Pahayag ni Ciara, ”I cried because I am so hurt and disappointed.
“It made me feel that my parents were of no value after all. Ate [Sharon] has always been considered and treated like a daughter by my dad and especially my mom.”
Habang isinusulat namin ito, wala pa kaming nauulinigang reaction ni Sharon tungkol sa election battle nina Tito at Kiko.
Sinabi ni Sharon na ang dahilan ng pagpunta n’ya sa Amerika ay para dalawin sa New York ang panganay nila ni Kiko na si Frankie Pangilinan na roon nagkokolehiyo. Posible kayang bago pa lang umalis si Sharon ay alam na n’yang kakandidatong vice president ni Leni ang mister n’ya?