PINANGUNAHAN ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagpapakilala ng kanyang mga minamanok na konsehal para sa Distrito Uno at ang kanyang kandidato para Congressman, ang aktor na si Arjo Atayde, sa pormal na pagpresenta ng mga kandidato ng kanyang lokal na partido, ang Serbisyo Sa Bayan Party (SBP) nitong Sabado sa Gazebo Royale, sa Visayas Avenue.
Tumatakbo bilang re-electionist na SBP mayoral candidate, sinabi ni Belmonte, kailangan niya ang mahuhusay na makakatambal sa pagbibigay ng serbisyo publiko at kilala ng mga taga-QC ang kanyang line-up na batikang “public servants.”
Ang mga kandidatong konsehal sa District 1 ay kinabibilangan ng mga re-electionist din gaya ni Konsehal Alex Bernard Herrera, Dorothy “Dra. Doray” Delarmente, Tany Joe “TJ” Calalay, Joseph Juico, Oliviere “Olie” Belmonte, at Charm Ferrer.
Sa pagka-kongresista, ang kandidato ni Belmonte ay ang award winning na actor na si Arjo Atayde, Juan Carlos Campo Atayde sa tunay na buhay.
Ipinangako ng mayora na kasama ang kanyang team sa District 1 na magtutuloy ng mga kapaki-pakinabang na programa hindi lamang sa unang distrito kundi para sa lahat ng mga QCitizen.
“Ako’y nagagalak na makasama ang mga maaasahan, mga dedikado sa tungkulin, at mga taong nagpapahalaga sa kanilang mga kapwa. Hindi po tayo nandito para maghari-harian. Kami po ay nandito at mapagkumbabang iniaalay ang aming sarili para sa ikatataas ng antas ng pamumuhay ng pinakamahihirap sa aming mga kababayan,” pahayag ni Belmonte sa harap ng media.
Si Atayde, bago lamang sasabak sa politika ay nagsabing siya mismo ang nag-alok ng kanyang sarili kay Belmonte upang makatulong at makapaglingkod pa sa mga taga-distrito uno ng lungsod.
Umugong ang pangalan ng aktor nang mag-donate ng service vehicles sa mga barangay ng District 1 upang magamit sa responde sa panahon ng pandemyang dulot ng CoVid-19.