PORMAL nang naghain ng certificate of candidacy (COC) ang mga kandidato ng PDP Laban sa bayan ng Pandi, sa lalawigan ng Bulacan noong Huwebes, 7 Oktubre.
Pinangunahan ito ni Pandi Municipal Councilor Cris Castro, kakandidatong alkalde, at ng kanyang running mate na si dating Municipal Councilor Sonny Antonio bilang bise alkalde, kasama ang walong kakanditong konsehal.
May temang “Lingkod na Totoo” ang alok ng grupo nina Konsehal Castro at Konsehal Antonio na nais nilang ihatid para sa mga mamamayan ng Pandi.
Ipinakilala rin ang mga kandidato nilang konseho na sina Aldy Baconsillo, Jonjon Antonio, Gabby Austria, Linda Timonera, Kap. Rael Fajardo, Jhee Ann Belgica, Rael Marcos, at Martin Concepcion.
Bago ang paghahain ng COC, nagkaroon ng payak na pag-aalay ng Banal na Misa ang grupo sa baluwarte ni Konsehal Castro sa Brgy. Cacarong Matanda na dinaluhan din ng kanilang mga tagasuporta.
Sa Homiliya ng pari, isinaad na ang tunay na paglilingkod ay may kababaang loob at ito ang pamamaraan ng Diyos Ama, at hindi pinangingibabawan ng pagkakawatak-watak.
Bagaman malaking hamon ang paglilingkod sa bayan, naniniwala ang grupo ng “Lingkod na Totoo” na sa pamamagitan ng pagsama-sama ay magkaroon ng iisang tindig para sa bayan.
(MICKA BAUTISTA)