FACT SHEET
ni Reggee Bonoan
INIHAYAG na ni Willie Revillame ang kanyang pinal na desisyon tungkol sa pagtakbo niya sa May 2022 sa programa niyang Wowowin nitong Huwebes ng gabi.
Ilang beses kinausap ni Presidente Rodrigo Duterte ang TV host na tumakbo siyang senador para mas lalo siyang makatulong. At dahil sa milyones nitong tagahanga at natulungang manonood ng programang Wowowin ay nakatitiyak na mananalo siya.
Noong unang taon na inilagay sa lockdown ang Pilipinas ay isa si Willie sa nagpahatid ng tulong sa mga nawalan ng trabaho lalo na ang mga Jeepney driver na hindi nahahatiran ng ayuda ng gobyerno at marami pang iba.
Buwan palang ng Hunyo ngayong taon ay nililigawan na nina Senator Bong Go at PRRD ang Wowowin host kaya totoong matagal itong pinag-isipan ni Willie at inaming marami rin siyang pinagtanungang mga kaibigan tungkol dito.
Sabi ng TV host, “Una sa lahat hindi naman ako nakapagtapos ng pag-aaral. Ako po ay isang drummer lamang noong nagsimula.
“Lahat po ito nanunumbalik sa isip mo. Hindi ko kinakausap ang mga anak ko, eh. Wala akong kinakausap (pamilya). Ang kinakausap ko lang ’yong mga taong gusto ko madinig ang opinyon, ’yong totoo ang sasabihin sa akin.”
Inamin ni Willie na kabaliktaran ang sinabi ni PRRD na mas marami pa siyang matutulungan kapag nasa senado siya.
“Kung sakaling tatakbo ho ako sa senado, hindi naman ako magaling mag-Ingles. Wala ho akong alam sa batas.
“Baka ho lait-laitin lang ako roon ng ating mga mahal na senador na magagaling. Hindi man lait-laitin, siguro wala naman akong maiaambag na batas, hindi ho ba? Baka dumating ’yong time na sayang ’yong boto n’yo sa akin, na wala akong nagagawa, na wala akong naiaambag na knowledge about the law dahil hindi ho ako abogado,” pagtatapat ni Willie.
Nabanggit din niyang desmayado siya sa mga nakaupo ngayon sa gobyerno na walang ginawa kundi makipag-away sa mga hindi nila kakampi o kaalyado.
Ani Willie, sana ay tumulong na lang ang mga nakikipag-away na nasa gobyerno sa mamayan kaysa mag-ubos ng oras sa pakikipag-away.
“Sa napapanood ko ho ngayon parang nalulungkot ako dahil awayan nang awayan. Ibinoto kayo ng sambayanan pero ’yan ang napapanood ng lahat ng Filipino.
“Hindi ho ba nakakalungkot na isa kang senador nakikipag-away ka. Isa kang presidente may kaaway ka. Hindi ba? Pero bago kayo manumpa, (nangako kayo) ‘Maglilingkod kami sa bayan. Maglilingkod kami sa bawat Filipino,” sambit pa ni Willie sa mga may mga kaaway.
Sinabi pa ng host na ang mga buwis na ikinakaltas sa taumbayan na pinasusuweldo sa mga opisyales ng gobyerno ay hindi sulit dahil hindi naman nila nagawa ng maayos ang kanilang tungkulin.
At kaya nasabi ito ni Willie ay dahil isa siya sa may mataas na binabayarang buwis.
“Ako, isa ako sa taxpayer na mataas ang ibinabayad na tax. Kung malalaman n’yo lang. Nasasaktan ho ako dahil bumoto ako sa mga taong ito tapos ’yan ang nakikita ko.
“Paano na ang mga bata? Paano na ang kinabukasan natin kung ’yan ang nakikita natin lagi? Pagalingan, pataasan ng ere, samantalang ang daming hirap na hirap nating mga kababayan, ang daming kawawa, ang daming walang makain, ang daming may sakit, ang daming namamatay.
“Natatakot kayong lumabas. Bakit? Dahil ayaw n’yong magkasakit? Samantalang ’yong mga tao sa labas, kailangan lang niyon makabili ng bigas at ulam para makakain ang kanilang pamilya. Tapos ang makikita pa namin sa telebisyon, sa news puro away n’yo. Nakakalungkot po.
“Isa po ’yan sa dahilan kung bakit (tinanong ko ang sarili ko) ‘Papasukin ko ba ’to? Pupunta ba ako sa ganitong klaseng institusyon?’
“Alam n’yo napakahirap pong pasukin ang politika. ’Yong kaibigan mo ngayon bukas kaaway mo. Mag-ama nag-aaway dahil sa posisyon. Mag-asawa naglalaban dahil sa posisyon.
“Sayang ho ang buhay. Sayang ’yong sinasabi nating pagmamahalan. Sayang ’yong sinasabi nating paglilingkod sa kapwa. Dapat kung maglilingkod tayo tanggalin n’yo ’yang galit sa puso n’yo.
“Walang unity. Tatakbo kayo para makaganti sa dating namumuno? Tatakbo tayo para hindi makapasok ang isang mamumuno? Ganoon ba? Ganoon ba ang pagseserbisyo sa bansa natin? ’Yan ba ang iniisip ng bawat politiko?
“Hindi ako nagmamagaling. Opinyon ko ho ito dahil sa araw-araw na nasa noontime show ako at araw-araw na may makakadinig ng boses ko, (humihingi ng pambili ng gamot, pangkain, pang matrikula, tulong). Dapat ’yan ang pinag-uusapan n’yo sa senado. Ano ang ibibigay na batas sa mga taong naghihirap. Ilang batas na ang ginawa n’yo pero binabago n’yo,” mahabang litanya ni Willie.
Ikinompara rin ni Willie ang bansang Piilipnas sa South Korea pagdating sa entertainment and information technology industry dahil suportado ng gobyerno nila ang showbiz doon.
“Bakit ang Korea nagna-number one? Bakit? Suportado dapat (government) ang talent ng bawat Filipino. ’Yong K-Pop (BTS) suportado ng gobyerno. Hindi sila naiinggit. Ngayon nandoon na sila sa Grammy’s, nandoon na sila sa American Music Award, nandoon na sila sa lahat. Hindi tayo aasenso hangga’t laging may galit at inggit, laging seek for power ang gusto n’yo,” katwiran nito.
At dito sinabi ni Willie na hindi siya perpekto.
“Alam n’yo ho, hindi ako nagmamagaling. Hindi ako magaling na tao. I’m not a bright person. Pero ang puso ko ho laging may pagmamahal. Nagkakamali ako, nagagalit ako, namumura ko ang staff ko totoo ’yon. Pero humihingi ako ng tawad. Alam n’yo kung bakit? It’s for the show. Dapat laging sa ikabubuti ng lahat.
“The last day of filing (COC) is tomorrow. Hindi ko ho kakayanin na pumasok sa isang bagay na wala akong kakayahan.
“Dapat ‘pag pinasok mo ang isang bagay, mag-e-excel ka, makagagawa ka ng kabutihan, makagagawa ka ng tama.
“Hindi po ako nagbubuhat ng bangko dahil wala ho akong ambisyong tumakbo sa gobyerno.”
Sabay ipinanood ni Willie ang mga kuhang video na marami siyang natulungan mula sa mga nasalanta ng bagyo sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas, mga nawalan ng ikabubuhay dahil sa COVID 19 pandemic, nang pumutok ang Bulkang Taal, at marami pang iba.
At dito na sinabi ni Willie na hindi niya iiwan ang Wowowin.
“Sa araw pong ito tuloy-tuloy pa rin po ang ‘Wowowin.’ Hindi ko po kailangang kumandidato. Hindi ko po kailangang manalo. Ang kailangan ko ay makasama kayo. Dahil sa puso ko, sa isip ko, dapat laging ang mga Filipino, kayo, ang panalo.
“Ang programang ito na ‘Wowowin’ ginawa po para sa inyo. Hindi po ito programa para lang mag-rate. Hindi ito programa para kami kumita. Ito pong programang ito ang magbibigay po ng saya, tulong, at pag-asa.
“Ako po, si Wilfredo Revillame, nanunumpa sa inyo rito lang ako sa ‘Wowowin’ para magsilbi sa inyo. Tuloy-tuloy lang po ang Wowowin,” seryosong pahayag ni Willie.
At pinasalamatan niya ang mga boss niya sa GMA dahil sa loob ng pitong na taon ay maayos ang kanilang relasyon at pagta-trabaho sa isa’t isa.
“GMA Management, Atty. (Felipe) Gozon, Mr. (Gilberto, Jr) Duavit, Mr. Felipe Yalong, Mr. Joey Abacan, Ms. Annette Gozon, sa lahat po ng kasama ko rito sa GMA, tinanggap n’yo ako ng bukas sa inyong kalooban. Sobrang at home na at home ako rito.
“Wala akong naging problema for almost seven years dahil nararamdaman ko ang pagmamahal n’yo sa akin. Ganoon din naman ako sa bawat kasama ko rito sa Kapuso channel. Maraming salamat.
“Tandaan n’yo po (sa manonood) kayo ang number one sa amin dito sa GMA-7. Kayo ang bida sa programang ito at sa GMA. Kaya ang ‘Wowowin’ tuloy pa rin,” pahayag ni Willie.