BULABUGIN
ni Jerry Yap
GUMAAN kahit paano ang loob ng inyong lingkod nang mabasa natin sa balita na binubusisi ng Senado ang nagaganap na bullying sa People’s Television Network (PTV4), na may isang kaso pa nga na nag-suicide ang isang batang empleyado.
Bukod sa bullying, ang tila walang pakialam na management ng PTV4 sa kalagayan ng mga empleyadong matagal nang hinihiling na dagdagan ang kanilang suweldo.
Ang nangyayari kasi, kapag may bagong administrasyon at nagtatalaga ng mga tao nila sa nasabing government network, mas inuuna pang ibuhos ang budget sa sumisirit na suweldo ng mga bagong luklok kaysa mga empleyadong matagal nang nagtitiis sa kanilang kakarampot na suweldo.
Hindi pa nga natalakay sa Senado ang karanasan ng mga empleyadong nahawa ng CoVid-19 na hinayaan lang ‘dumiskarte’ sa sarili nila at hindi man lang inalalayan ng management. Kailangan pang dumukot sa mga sariling bulsa, na barya na lang nga ang laman, e ‘nabutas’ pa, para makapagpa-RT PCR o swab test nang sa gayon ay makompirma kung sila nga ay positibo o negatibo.
(Kasama kaya si GM Kat de Castro sa naapektohan? Para kasing apektadong-apektado siya noong makita natin sa hearing sa Senado — hirap na hirap siyang kumilos. Hik hik hik…)
Kidding aside, e paano ‘yung pamilya nilang na-expose sa kanila? Saan kukuha ng igagastos para sa RT PCR? At kung nag-positive at kailangan mag-quarantine paano ang batayang pangangailangan ng pamilya sa araw-araw? Ilan lang ‘yan sa mga hinaing ng mga empleyado.
Sa totoo lang, hindi lang PTV4, pati ang sequestered network na IBC 13 ay matagal nang napapabayaan ng gobyerno.
Ilang panahong naging running story sa aming pahayagan, HATAW D’yaryo ng Bayan, ang kalagayan ng mga nasabing empleyado at ang kanilang mga hinaing gayondin ang napakaluhong buhay ng mga nasa management — sirit na ang suweldo, sandamakmak pa ang perks and privileges.
Kung sino man ang matapang ang loob na magsalita, asahan na papasanin niya ang kahihinatnan ng kanyang ‘pagpapakabayani.’ At diyan lalo pumapasok ang ‘bullying.’
Maaaring ‘maparusahan’ ang 2022 budget ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) kung hindi makombinsi ang Senado sa mga sagot ng mga taong ‘isinalang at iginisa’ nila sa pagdinig, pero iwawasto ba ng ganitong hakbang ang ‘bullying’ at masamang trato ng management sa pangkaraniwang empleyado?
Hindi! Dahil hindi iyon ang solusyon. Ang solusyon ay papanagutin sa ilalim ng Republic Act No. 6713 ang mga pabaya, burara, at makasariling opisyal ng government network.
Sa kabuuan po ay ganito ang nilalaman ng RA 6713: “An act establishing a code of conduct and ethical standards for public officials and employees, to uphold the time-honored principle of public office being a public trust, granting incentives and rewards for exemplary service, enumerating prohibited acts and transactions and providing penalties for violations thereof and for other purposes.”
Klaro-klarong naman po na may dapat managot. Kaya sana naman, hindi lang ukol sa budget ng PCOO para sa 2022 ang concern ng Senado. Sana’y may layunin silang papanagutin ang mga iresponsableng opisyal.
Ganoon po ba ang layunin ninyo Senate President Vicente “Tito Sen” Sotto III?!
Wish ko lang…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com