ni ROSE NOVENARIO
‘NAWAWALA’ ang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na nagsiwalat na ginantso ng kompanya ang gobyerno.
“Pharmally Pharmaceutical official Krizle Mago hindi na ma-contact ng Senate Blue Ribbon Committee! Noong ika-siyam na pagdinig ay inalok natin siya ng pagkakataon na mabigyan ng proteksiyon ng Senado ngunit nais niya muna raw pag-isipan ito,” ayon kay Sen. Richard Gordon sa kanyang Twitter account kahapon.
Sa pagdinig ng komite noong Biyernes, kinompirma ni Mago ang pahayag ng dati nilang warehouse staff na iniutos niyang palitan ang certificate sa 2021 mula sa 2020 sa mga face shield para palabasin na hindi pa ito expired.
Ngunit ito aniya ay direktiba sa kanya ni Pharmally corporate treasurer and secretary Mohit Dargani.
Nang tanungin si Mago ni Gordon kung itinuturing ba niya itong swindling o panggagantso sa gobyerno, sagot niya, “I believe so, Mr. Chairman.”
Nangako si Mago na makikipagtulungan sa imbestigasyon ng komite ngunit matapos ang pagdinig noong Biyernes ay hindi na siya makontak.
Bukod sa ginantso ang gobyerno sa pagbebenta ng Pharmally ng expired face shields, inamin rin ni Mago sa Senate hearing na ginawa siyang nominee ng korporasyong Business Beyond Limits Corporation na binuo ng grupong nasa likod ng Pharmally upang makipagtransaksiyon sa gobyerno hanggang nakapag-bid ng kontratang nagkakahalaga ng P37,870,000.
Ayon kay Mago, itinalaga siya bilang nominee ni Sophia Custodio, incorporator ng Business Beyond Limits, para gamitin ang kanyang kaalaman gaya ng preparasyon ng bidding documents.
Inamin ni Dargani, karelasyon niya si Custodio na nakasungkit ng P37-M kontrata para mag-supply ng face shield sa Department of Health (DOH) noong Hunyo 2021 kahit ang kompanya ay itinatag lamang noong Hunyo 2020.
Pinahaharap din sa Senado si Custodio sa susunod na pagdinig.