NANINIWALA ang dating konsehal, ngayon ay businessman na si Don Bagatsing, uunlad ang maliliit na negosyante kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Ayon kay Bagatsing, maganda at napapanahon sa General Tax Amnesty plan ng lungsod ng Maynila na magsisimula ngayong 1 Oktubre hanggang 29 Disyembre.
Sinabi ni Bagatsing, uusbong ang maliliit na negosyo dahil sa kautusang ito ni Yorme Isko.
“Imbes penalty at interest ang babayaran para lang magbukas, madadagdagan ang capital ng maliliit na negosyo, maraming maeenganyo magtayo at muling magbukas ng kanilang mga negosyo,” pahayag ni Bagatsing.
Ani Bagatsing, bunsod ng pandemya, maraming nawalan ng trabaho at nagsarang negosyo, kaya’t maraming nawalan ng gana, kaya ang pagbibigay ng amnesty ay isang insentibo para mag-umpisa, gumalaw, at magsimula muli ang maliliit na negosyante.
“A General tax amnesty is an act meant to encourage people to get back on their feet and be productive again. Parang sa baterya ng kotse na diskargado na, kailangan ‘i-series’ para umandar ulit. It’s the same concept. Tamang mungkahi ito ni Yorme Isko,” ani Bagatsing.
Nananawagan si Bagatsing sa lahat ng alkalde sa buong bansa na ipatupad din sa kanilang nasasakupan ang magandang ideyang gaya sa lungsod ng Maynila.
“Try and think of other ‘unorthodox ways’ to jumpstart your local economy. Maraming paraan para makabangon sa pagbagal ng ekonomiya dulo’t ng pandemya, it’s time to do it,” pagtatapos ni Bagatsing.