KAMATAYAN anginabot ng apat na preso, kabilang sa 11 inmates na nagtangkang tumakas, habang isang jail guard ng Bureau of Jail Management and Penology personnel (BJMP) ang sugatan sa Liangga District Jail, sa Surigao del Sur nitong Linggo ng umaga.
Ayon kay BJMP spokesperson Jail Chief Inspector Xavier Solda, dakong 6:50 am, kahapon, 26 Setyembre, nang maganap ang insidente sa nasabing piitan.
Sa inisyal na report, naghahanda na upang maghain ng almusal ang mga duty personnel nang sunggaban ng 11 preso ang isa sa mga jailguard na noon ay magbubukas ng gate ng selda para ipasok ang kanilang pagkain.
“Na-overpower nila ‘yung duty (jailguard) na nagbubukas ng gate ng selda at nagawa nilang makalapit sa secondary gate. ‘Yung duty natin sa secondary gate ay nagawa pang mag-warning shot subalit dahil na rin sa bilis ng mga pangyayari at dami ng sumugod sa kaniya, maging siya ay na-overpower din at naagaw ang baril nito,” pahayag ni Solda.
Agad nagresponde ang iba pang duty personnel na nagresulta sa palitan ng putok, hanggang apat na preso ang bumulagta.
Sugatan naman ang isang personnel sa saksak ng improvised bladed weapon nang makipambuno sa grupo ng mga papatakas na preso.
Ang mga napatay na inmates (hindi pa pinangalanan) ay hinihinalang miyembro ng communist terrorist group na New People’s Army (NPA) na nagawang makombinsi ang iba pang kapwa bilanggo upang isagawa ang pagtakas.
“Nalulungkot man kami sa pangyayari, magsilbi sana itong babala sa ating mga PDL na nais gumawa ng panibagong paglabag sa batas,” ayon kay Solda.
“Ganoon pa man, hindi kami matitinag sa pagtupad ng aming tungkulin. Magbabantay pa rin kaming mabuti sa aming pasilidad at magsisilbi kami sa ating mga PDL sa abot ng aming makakaya upang matulungan natin sila sa kanilang pagbabagong buhay,” dagdag ng opisyal ng BJMP.
Samantala, agad ipinag-utos ni BJMP chief, Jail Director Allan Iral ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa insidente, kasabay ng paglalagay sa red alert status ng buong BJMP CARAGA. (ALMAR DANGUILAN)