IPINAGTANGGOL ni Aiko Melendez ang mga rider na naghahatid ng mga nabili natin sa online tulad ng mga pagkain, gamit, papeles o dokumento at marami pang iba.
Sa tindi ng trapik ngayon at may pandemya, marami pa rin ang takot lumabas kaya iniaasa ng karamihan sa riders.
May mga nababasa tayong kilalang personalidad na inirereklamo nila ang ilang rider at ipino-post nila ito sa kanilang social media accounts para raw magtanda, bagay na hindi nagustuhan ng marami dahil masyadong pamamahiya ang ginawa. Sana idiniretso sa opisina na lang ang reklamo at hindi para ipahiya sila lalo’t nababasa ito ng kanilang pamilya.
At hindi pabor ang isa sa cast ng Prima Donnas dito na bagama’t wala siyang binanggit na pangalan ay tiyak na may guilty sa post niya.
Aniya, ”Madalas ako magpa-deliver sa mga delivery food apps, Like Grab, Lalamove, Toktok at iba pa.
“Minsan me mga deliveries sila sa akin na di ako satisfied, Pero hindi ako aabot sa oras na i-call out ko pa sila. Kasi kung tutuusin unti lang naman ang kinikita nila. Dito pumapasok ‘yung pabayaan n’yo nalang ang mga maliit na bagay lLalo na kapag mas nakakaluwag tayo than them di ba.
“Nahaharap tayo sa isang situation na di naten lahat gusto, ‘yan ang pandemya. Madaming pagkakataon ang dami ko gusto sabihin o share na sinasaloob ko nalang lalo na kung di naman ako umaabot na maghihirap ako sa mga pagkakataon na di ako masaya sa mga maliliit na bagay.
“Sa dami ng walang me trabaho ngayon ‘wag na tayo dumagdag sa mga reklamo na maaring maglagay sa tao na mawalan s’ya ng pinagkakakitaan. ‘Yan ay ako lang naman. Palampasin na ang mga bagay na maliit i-bless naman tayo ni Lord sa mga gawain na ganyan. #Aikolangnamanyan.”
Sabi nga rin ni Lester Llansang bilang isa ng Lalamove rider na ngayon pagkatapos ng acting stint niya sa FPJ’s Ang Probinsyano, sana dagdagan ang pang-unawa ng mga customer.
“Sana maging mabait sila kasi sobrang hirap talaga bilang Lalamove rider. Bukod sa delikado ang biyahe, minsan naliligaw pa at napapagalitan pa kahit kasalanan naman niyong nag-pin…tulad ng nangyari sa akin.
“Saka hindi natin alam ’yung mga pinagdadaanan ng mga rider. Baka may naka-away sa kalye kaya pag dating sa’yo naka-busangot o kaya pagkaka-abot ng diniliber pa-balang.
“Hindi naman nila iyon sinasadya sa tingin ko. Hindi naman iyon para idamay ka sa init ng ulo nila. So, mas habaan natin ang pasensya siguro. At kung magbibigay ng tip kahit piso… kaya pala kapag [noon pag] nagbibigay ako ng tip o kaya hindi ko na kinukuha ‘yung sukli iba ’yung ngiti nila, e. Iba ‘yung saya.”
May payo rin siya sa mga kagaya niyang nasa delivery service industry.
“And doon naman sa mga riders, kapag may problema sa bahay ’wag natin dalhin sa kalye kasi it’s either mapa-away ka o mawala ka sa focus, ma-aksidente ka. Kaya tiyaga lang talaga at sipag.”