MANILA — Sa posibilidad na maging super spreader event ang botohan sa iba’t ibang presinto sa halalan sa susunod na taon, hinihiling ng Department of Health (DoH) sa Commission on Elections (Comelec) na maghanap ng mga alternatibong paraan kung paano makaboboto nang ligtas ang mga pasyenteng may CoVid-19 na hindi makapanghahawa sa iba.
Kasunod ng pahayag ng Comelec na maglalagay sila ng espesyal na bahagi sa mga polling precinct para sa mga botanteng nagpositibo sa CoVid-19, inulit ni health undersecretary Maria Rosario Vergeire ang naunang pahayag na hindi papayagan ang mga pasyenteng may CoVid na umalis mula sa isolation para bomoto dahil maaaring maging dahilan ito ng pagkalat ng sakit.
“Kailangan din isaisip dapat may alternative tayo for those who are CoVid-19 positive para po sa botohan na ito. Alam po natin na ang isang positibong tao kapag lumabas po ng isang kuwarto o ng isang lugar ay maaaring makahawa ng ibang tao,” diin ni Vergeire.
Iminungkahi ng opisyal, imbes payagan yaong may CoVid-19 na pisikal na bomoto sa itinakdang isolation areas sa mga polling precinct, mas makabubuting ipatupad ng Comelec ang digital o online voting para sa kanila.
“Sana po Comelec will have an alternative way of having these elections for those CoVid-19 positive patients baka puwede naman pong virtual na lang, digital through SMS kung makagagawa po tayo ng ganitong proseso dahil talagang ang Department of Health po ay hindi po irerekomenda na ang mga CoVid-19 positive patients ay lalabas po ng kanilang isolation area to do this kind of activity,” dagdag nito.
Bilang tugon sa mungkahi, siniguro ni Comelec spokesperson James Jimenez na ang usapin ukol dito ay masusing pagpupulungan ng Comelec en banc upang makapagbalangkas ng isang voting system na makapagbibigay ng sapat na proteksiyon para sa lahat ng mga botante mula sa impeksiyon o pagkahawa sa sakit.
“Since wala pang guidelines sa ngayon para payagan ang mga pasyenteng bomoto sa mga polling center, talagang isang challenge para sa amin na makahanap ng mga alternative method para makaboto ang mga pasyenteng may CoVid-19. However, kailangan pang pag-usapan ng Comelec en banc kung paano gagawin ito,” pagtatapos ni Jimenez. (TRACY CABRERA)