TINUMBOK ni Filipino Carlo Biado si Singaporean Aloysius Yapp, 13-8, sa finals para magkampeon sa US Open 9-Ball Pool Championship na ginanap sa Harrah’s Resort, Atlantic City, New Jersey, USA nung Linggo ng madaling araw.
Nagbunga ang “never say die attitude” ni Biado mula sa pagkalubog sa 3-8 nang magpasabog siya sa sunud-sunod na panalo. Hindi na siya lumingon pa sa kalaban na ipinatupad ang 9 ball winner’s break matapos matumbok ang 10 straight racks para maiuwi ang P1.5 million champion purse.
Una rito ay nagwagi si Biado kontra kay Japanese Naoyuki Oi ng Japan, 11-9, sa semis habang nakaungos si Yapp kay Filipino Dennis Orcollo, 11-6.
“Ito ang isa sa pinakamahirap na torneyo aking sinalihan. Dahil sa 2017 WPA World 9 ball Championship sa Doha, Qatar ay walang pressure dahil parehong Pinoy ang nagharap sa finals,”sabi ni Biado nitong Linggo sa panayam ni Ms. Judith Caringal ng Radyo Pilipinas 2.
Ang native La Union ang naging unang Filipino champion matapos ang 27 taon. Nakopo ni Reyes ang titulo noong 1994.
Subalit sa mga sumunod na taon ay nabigo na maduplika ni Reyes ang tangan na titulo.
Natalo si Reyes sa finals kontra kina Reed Pierce (1995), Rodney Morris (1996) at Earl Strickland (1997) ng United States, ayon sa pagkakasunod.
Ang U.S. Open 9-Ball Championships ay isang annual professional men’s nine-ball pool tournament na nagsimula noong 1976.
Muntik ng maduplika ni Filipino pool legend Jose “Amang” Parica ang tagumpay ni Reyes subalit kinapos sa finals.
Si Parica na kinikilala bilang leader of the Filipino invasion sa US sa mid-’80s ay natalo kay Jeremy Jones ng USA noong 2003 at Alex “The Lion” Pagulayan ng Canada noong 2005.
Tiklop din si Rodolfo “Boy Samson” Luat kay John Schmidt ng USA noong 2006, nadapa si Ronato Alcano kay Shane Van Boening ng USA noong 2007 at Mika Immonen ng Finland noong 2008.
Tinalo naman ni Shane Van Boening ng USA sina Dennis Orcollo noong 2012, Lee Vann Corteza noong 2013 at Dennis Orcollo noong 2014. (Marlon Bernardino)