BULABUGIN
ni Jerry Yap
MALAPIT nang magkaroon ng ‘award’ ang mga bumubuo ng Inter-Agency task Force (IATF), hindi sa kahusayan kung paano limitahan ang galaw o panghahawa ng CoVid-19 lalo ng Delta variant, kundi dahil sa ‘napakahenyong’ paglikha ng mga salita (coin) o parirala (phrase) para maging bago ang tunog ng ‘lockdown’ sa mamamayang Filipino.
Pagkatapos ng ECQ, GCQ, MECQ, granular lockdown, heto na ang bago, dyraaan – ALERT LEVEL 4!
Yes, Philippines! Mas mabilis pang dumami ang variants ng mga termino ng lockdown dito sa ating bansa, kaysa variant ng virus (mabuti na lang).
Huwag na tayong magtaka kung bakit hanggang sa salita lang sila nagiging henyo dahil kitang-kita naman ‘yan sa mga patakarang ipinatutupad nila.
Dito lang sa Filipinas na habang bukas na bukas ang mga casino, POGO, at online sabong ay ipinagbabawal ang pagpunta sa simbahan ng mga deboto, sa sambahan ng mga mananampalataya, sa templo o sa Mosque, dahil mas itinuturing nilang super spreader ang pagpunta sa tahanan ng Diyos kaysa pagpunta sa mga sugalan.
Kung ang mga casino, POGO, at online sabong ay 100% na bukas, ang mga simbahan ay dapat na nasa 30% capacity lamang at ngayon nga ay 10% na lang.
Ngayong araw, 16 Setyembre, epektibo ang Alert Level 4 sa Metro Manila, alinsunod sa bagong quarantine classification scheme ng administrasyong Duterte
Itinuturing ni Interior Secretary Eduardo Año, umpisa ito ng implementasyon ng granular lockdown upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng CoVid-19.
Ibig sabihin daw ng Alert Level 4 ay lomolobo ang kaso ng CoVid-19 at mataas ang utilization rate ng ICU beds.
Sa ilalim ng Alert Level 4, hindi pinapayagang makalabas ng bahay ang may edad 18 anyos pababa at mahigit 65 anyos pataas, may health comorbidities, at pati ang buntis.
Pahihintulutan lang silang makalabas kung bibili ng essential goods o services o nagtatrabaho sa permitted industries.
Ipinagbabawal din ang indoor visitor o tourist attractions, indoor leisure centers, gyms, recreational venues, gaming establishments, mass gatherings, meetings, at staycations.
Pinapayagan ang outdoor dine-in services, barbershops, hair spas, nail spas, beauty salons, at physical religious gatherings hanggang 30% sa kanilang outdoor seating capacity, at 10% para sa indoor capacity, pero para lang sa mga fully vaccinated laban sa CoVid-19.
Samantala, ang necrological services ay limitado sa immediate family members, at kailangang full compliance sa minimum health protocols.
Walang nagbabago, ganoon pa rin ang mga restriksiyon, at marami pa rin ang nakatenggang public transportations — gutom ang mga tsuper, habang nabubulok ang mga ipinapasada nilang sasakyan kasi nga nakagarahe lang sa mahabang panahon.
Simula noong 2020, sa pagsisimula ng pandemya, walang nagbabago kahit gumastos ng multi-bilyones ang gobyerno para umano gumaan ang pamumuhay ng masang Filipino.
Echos!
Paanong gagaan e, iilan lang ang sinayaran ng pondo ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa umpisa pa lang ng pandemya, maraming sektor ang humiling ng libreng mass testing para maaga pa’y matukoy na kung paano reresolbahin ang pag-contain sa virus.
Pero, tigas ang pagtutol ng gobyerno, hindi raw mass testing ang solusyon. ‘Yun pala, noong mga panahong iyon ay nagaganap na ang transaksiyon ng Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) at Pharmally Pharmaceutical Corporation para sa pagbili ng P8.7 bilyong facemasks, face shields, at personal protective equipment (PPE) gamit ang pondo ng Department of Health (DOH) para muling ibenta sa kanila.
Daig pa ang tsinitsaron sa sariling mantika! Diyan sila magagaling! ‘Na n’yo!
Sa bakuna, araw-araw nating nababalitaan na milyon-milyon ang dumarating sa Airport pero napakabagal ng rollout.
Hindi natin maintindihan kung bakit parang tinatsani ang pagbabakuna.
Bakit hindi gawing house to house ang pagbabakuna? Kung nakikita naman natin na puwede palang sa insulated bag lang nakalagay ang bakuna?
Napaisip tuloy tayo. Hindi kaya dahil may namamatay kahit naka-2nd dose na, e dahil paso na ang bakunang itinurok sa kanila?!
OMG!
Tsk tsk tsk…. Dito lang talaga sa Filipinas na hindi nareresolba ang ‘mother crisis’ kaya mabilis na nakapag-aanak ng mga susunod pang problema.
God have mercy!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com