SA KULUNGAN bumagsak ang isang lalaking pumasok sa isang klinika at tinangkang saksakin ang 51-anyos doktor sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Malabon City Police Chief P/Col. Albert Barot, dahil sa mabilis na pagdating ng mga tauhan ni Sub-Station 1 commander P/Lt. Joseph Almayda, ‘naisalba’ ang suspek na si Paulo Gonzales, 37 anyos, residente sa P. Concepcion St., Brgy., Tugatog sa kamay ng mga ‘galit’ na bystanders na kumuyog sa kanya.
Sa ulat, sinabing tinangkang patayin ni Gonzales, si Dr. Eva Cristine Andrade sa loob ng kanyang clinic sa Huat-Huat Building, Gov. Pascual Avenue, Brgy. Potrero.
Nangyari ang insidente, ayon kay P/CMSgt. Rio Norcio, shift supervisor ng Malabon police, dakong 10:45 pm nang pumasok si Gonzales, armado ng patalim sa clinic ng biktima at sa hindi malamang dahilan ay sinugod at tinangkang saksakin si Dr. Andrade.
Gayonman, nagawang masangga ng biktima ang pananaksak hanggang magawa nitong agawin ang patalim sa suspek na naging dahilan upang tumakbo palabas ang lalaki upang tumakas.
Humingi ng tulong si Andrade sa mga bystander na agad hinabol ang suspek saka pinagtulungang kuyugin na natigil lang nang dumating ang mga nagrespondeng pulis sa lugar.
Sinabi ni Lt. Almayda, kabilang sa tinitingnan ng pulisya na posibleng motibo sa insidente ay personal na galit at robbery matapos sabihin ng biktima sa mga awtoridad na nakatanggap siya ng death threat mula sa hindi kilalang suspek. (ROMMEL SALES)