LIGTAS na naihatid pauwi ng bansa ng Cebu Pacific ang 353 Filipino nitong Miyerkoles, 8 Setyembre, mula sa Middle East sa pamamagitan ng Bayanihan flight, bilang pagtugon sa panawagang tulong ng pamahalaan na mapauwi ang overseas Filipino workers (OFWs).
Bukod sa meal at baggage allowance upgrades, nakatanggap ang mga pasahero ng nasabing flight ng mga regalo mula sa Universal Robina Corporation (URC).
Kailangang sumunod ng mga pasaherong sakay ng mga Bayanihan flight sa mahigpit na health protocol, kabilang ang negatibong resulta ng RT-PCR na isinagawa 48 oras bago ang flight; pre-booked na 15-day/14-night facility-based quarantine stay sa pagdating sa bansa; at panibagong swab test na isasagawa pitong araw mula sa kanilang pagbaba.
Sasagutin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) o ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga gastusin sa quarantine hotel at RT-PCR test ng mga OFW sa ikapitong araw ng kanilang quarantine, samantala sasagutin ng mga returning overseas Filipinos (ROF) ang sarili nilang gastusin sa hotel at RT-PCR test.
Nakipag-ugnayan ang Cebu Pacific sa mga hotel na accredited ng Bureau of Quarantine (BOQ) upang matiyak na mayroong kaukulang pasilidad para sa mga pasaherong darating sakay ng naturang flight.
Kabilang sa mga hotel para sa Bayanihan flight ang Manila Diamond Hotel, Lub D Makati, Holiday Inn Manila Galleria, Sheraton at Go Hotel Ortigas.
“We continue to support our government in its mission to bring our kababayans home safely from the UAE. We will continue serving more fellow Filipinos with these special flights,” pahayag ni Alex Reyes, Chief Strategy Officer ng Cebu Pacific
Mahigit 2,400 Filipino ang naihatid pauwi ng Cebu Pacific mula sa Gitnang Silangan sakay ng mga special commercial flight mula noong Hulyo.
Sa Linggo, 12 Setyembre, sunod na susunduin ng Cebu Pacific ang 350 OFWs mula Beirut at Bahrain pauwing Maynila sa repatriation flight na inorganisa ng Department of Foreign Affairs.
Ang Cebu Pacific ang may pinakamalawak na domestic network sa bansa na mayroong 32 destinasyon, kabilang ang walo nitong biyaheng internasyonal.
Isa sa pinakabata sa buong mundo, kabilang sa 75-strong fleet nito ang dalawang ATR freighter at isang A330 freighter. (KLGO)