NAGBABALA at pinaghahanda ni Senador Imee Marcos ang Filipinas sa mas matinding senaryo na hindi na makakamit ang target na herd immunity.
“Mananatiling teorya ang herd immunity na ‘moving target’ sa ngayon. Nitong nagdaang taon, target natin ang nasa 70% ng populasyon, ngayon 90% na, pero bukas maaaring lampas na sa kakayahan natin,” babala ni Marcos.
“Sa harap ng mataas na demand o pangangailangan ng mga booster shot, maging ang unang dose pa lang ay hindi pa nakararating sa populasyon ng mga less developed countries, kayanin pa kaya ng manufacturers na makapagbigay ng bakuna?” tanong ni Marcos.
Bukod sa hindi tiyak na supply sa buong mundo, dagdag ni Marcos, ang mampeksiyon ang mga nabakunahan na, ang pagsulpot ng mas marami pang CoVid-19 variant, ang kawalang katiyakan kung gaano katagal magiging epektibo ang mga bakuna, at ang posibleng pagbaba ng kapasidad ng healthcare dahil sa pagsasara ng mga ospital at protesta ng mga mangggawa ay mga dahilan kaya malabo pang maabot ang herd immunity.
“Mas maiging maghatid na lang ako ng masamang balita kaysa magbigay ng maling pag-asa o magpaasa. Sa katotohanan, ang pagkontrol sa pandemya ay naging Sisyphean struggle,” dagdag ni Marcos, na tumutukoy sa Greek myth o alamat ng hari na ang habangbuhay na kaparusahan para mapigilang mamatay ay ang paulit-ulit na pagpapagulong ng malaking bato paakyat sa burol ngunit hindi maabot-abot ang pinakatuktok.
Nakadagdag sa pagkabahala, ani Marcos, ang pagtatanggal ng travel ban sa sampung bansa, na epektibo ngayong araw matapos irekomenda sa Pangulo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Ibig sabihin, ang mga biyahero mula sa Bangladesh, Nepal, Oman, Thailand, India, Indonesia, Pakistan, Sri Lanka, Thailand, at United Arab Emirates (UAE) ay puwede nang makapasok sa ating bansa kaakibat ang kanilang pagsailalim sa testing at quarantine protocols.
Sa kabila ng mga pag-iingat, iginiit ni Marcos, sa harap ng 13% populasyon ng bansa pa lang o kaunti pa lang ang nababakunahan, hindi maingat o premature ang rekomendasyon ng IATF.
Paliwanag ni Marcos, ang Estados Unidos na nasa 54% ang mga nabakunahan, ay nananatiling estrikto sa pagpapapasok sa mga non-immigrant traveler mula sa India at inilista ang Bangladesh, Malaysia, Nepal, Thailand, at UAE bilang ‘very high risk’ countries, habang ang Indonesia, Oman, at Sri Lanka naman ay ikinokonsiderang ‘high risk’.
Maging ang United Kingdom na fully vaccinated na ang 65% ng populasyon, inilagay pa rin nito sa ‘Red List’ ang Bangladesh, Indonesia, Nepal, Oman, Pakistan, Sri Lanka, at Thailand.
“Habang nagdarasal tayo para sa milagro at kagalingan, kailangang suportahan natin ang healthcare capacities ng ating bansa sa pamamagitan ng pagbabayad ng utang sa mga ospital at mga healthcare workers ASAP, desisyonan na ang ating sariling ‘clinical trial’ para sa mga ‘repurposed drugs’ na tulad ng Ivermectin, isama na ang booster shot sa 2022 national budget, at lakihan ang pondo para sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) habang hindi pa naitatayo ang isang virology institute upang makagawa ng sariling bakuna ang Filipinas,” diin ni Marcos.
“At sa ating mga sarili naman, palakasin natin ang ating immune system sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na tulog, maging palainom ng tubig, regular na mag-ehersisyo, huwag nang manigarilyo at uminom ng alak, uminom ng Vitamin C at zinc, at gawing bahagi ng ating diet o pagkain ang malunggay at virgin coconut oil,” payo ni Marcos. (NIÑO ACLAN)