MARIING binatikos ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang desisyon ng Department of Trade and Industry (DTI) na payagan ang pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin.
Bukod sa hindi napapanahon, tinawag ito ng Senador na dagdag-pasakit sa pamilyang Filipino na halos lugmok na sa epekto ng pandemya dahil walang hanapbuhay o makain sa araw-araw.
“Sa halip na pagaanin ang kanilang sitwasyon, lalo pang inilugmok ng DTI sa kahirapan ang pamilyang Filipino nang aprobahan nito ang pagtaas ng presyo ng ilang bilihin,” wika ni Pangilinan.
“Hindi napapanahon ang hakbang na ito dahil maraming pamilyang Filipino ang halos wala nang makain dahil sa kawalan ng hanapbuhay o pagkakakitaan dahil sa pandemya,” dagdag ng Senador.
Ilan sa mga produktong pinayagan ng DTI na magtaas ng presyo ang sardinas (P0.50 hanggang P0.75), condensed milk (P0.50 hanggang P1.25), powdered milk (P0.50 hanggang P1.35), instant noodles (P0.25), delatang karne (P0.75 hanggang P2, at suka (P0.50).
Sinabi ni Pangilinan, sa panahon ngayon, mahalaga para sa pamilyang Filipino ang bawat sentimo na kanilang matitipid para may maidagdag sa kanilang makakain at iba pang pangangailangan sa araw-araw.
Bago rito, nanawagan si Pangilinan sa DTI na ipagpaliban muna ang dagdag-presyo sa mga pangunahing bilihin gaya ng delata, instant noodles, gatas at kape habang umiiral pa ang pandemya.
“Dapat maging sensitibo ang DTI sa kalagayan ng pamilyang Filipino na halos hindi na makahinga sa paghihigpit ng sinturon para lang maitawid ang kanilang pagkain sa araw-araw,” ani Pangilinan. (NIÑO ACLAN)