KULUNGAN na ang hinihimas ng tatlong tulak ng shabu matapos maaresto at makuha ang mahigit P.4 milyon halaga ng ilegal na droga sa isinagawang buy bust operation sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Navotas City chief of police (COP) Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek na sina Clarence Lucas, 18 anyos, iniulat na isang tulak; Francisco Casariego, 37 anyos, nakalistang user; at Yuki Dionisio, 18 anyos, itinalang user, pawang residente sa Brgy. Tangos North.
Ayon kay Col. Ollaging, dakong 1:10 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo, Jr., ng buy bust operation sa AR Cruz St., Brgy. Tangos North.
Isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksiyon kay Lucas ng P1,000 halaga ng droga.
Nang tanggapin ni Lucas ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, agad siyang sinunggaban ng mga operatiba, kasama si Casariego at Dionisio.
Nakuha sa mga suspek ang halos 58.5 gramo ng hinihinalang shabu, may corresponding standard drug price P397,800, buy bust money at isang body bag.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)