HANGGANG noong 20 Agosto 2021, tumanggap ang may kabuuang 15,331 Bulakenyong iskolar ng kanilang scholarship grant mula sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gob. Daniel R. Fernando sa ilalim ng Tulong Pang-Edukasyon Gabay ng Bagong Henerasyon Scholarship Program.
Kabilang sa mga benepisaryo ng nasabing scholarship para sa unang semestre ng SY 2020-2021 ang 3,707 estudyante mula sa kategoryang Other School/Private Colleges, tumanggap ng tig-P3,500 bawat isa; 3,398 estudyante mula kategoryang State Universities and Colleges na nag-uwi tig-P3,000 bawat isa; 2,734 estudyante mula sa Senior High School (Public) at 1,543 estudyante mula sa Senior High School (Private) ang nakakuha ng P3,000 bawat isa; 320 esudyante ng Masters’ Degree at 40 kumukuha ng Board Reviews ang nag-uwi ng tig-P5,000 bawat isa; 16 academic achiever na mayroong tig-P5,500; habang pinagkalooban ang 3,573 learners ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na naka-enrol sa Bulacan Polytechnic College (BPC) ng ‘Katibayan ng Pagiging Iskolar.’
Ipinaabot ni Shulamite dela Peña, 3rd year Communication Arts student mula sa La Consolacion University, ang kanyang pasasalamat sa nasabing programa.
“Malaking tulong ang scholarship sa aming mga estudyante lalo sa mga walang kakayahang magbayad ng tuition fee sa private schools, gayondin sa mga mag-aaral sa public para sa mga gastusin sa mga project tulad ng thesis at iba pa,” ani dela Peña.
Samantala, ibinahagi ni Shirley Francisco, isa sa mga magulang ng mga iskolar, ang kanyang pasasalamat sa programa sa pamamagitan ng pag-komento sa opisyal PGB FB Page.
“Nakatataba po ng puso bilang isang ina na mapabilang ang anak ko sa programang ito, hindi lang po dahil sa pinansiyal na tulong, mas higit po ang pakiramdam na nakaka-proud dahil ang anak ko ay nagiging modelo at inspirasyon ng kapwa niya kabataan/estudyante na nagsusumikap makapag-aral sa kabila ng pandemya. Maraming salamat po Lord. Sabi nga po ni Gob. Daniel, Ikaw ang tunay na dapat papurihan dahil may mga ginagamit kang tao para sa marami mong blessings,” aniya. (MICKA BAUTISTA)