SHOOT sa kulungan ang tatlong tulak ng droga matapos makuhaan ng shabu at baril sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon City chief of police (COP) Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina Dennis Forfieda, 37 anyos, residente sa Caloocan City; Roberto Santos, 58 anyos, residente sa Brgy. Longos; at Rhoda Soriano, 49 anyos, ng Brgy. Potrero kapwa ng nasabing siyudad.
Batay sa ulat ni P/SSgt. Salvador Lalaken, Jr., dakong 11:35 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy bust operation sa University Avenue, Brgy. Potrero.
Nagawang makipagtransaksyon ng isang pulis na nagpanggap na buyer sa kanilang target na si Forfieda ng P500 halaga ng droga.
Nang tanggapin ni Forfieda ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama si Santos at Soriano na nakuhaan ng tig-isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Tinatayang nasa 2.03 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P13,966 ang nasamsam sa mga suspek habang ang buy bust money at isang cal. 38 revolver na kargado ng tatlong bala ay nakuha kay Forfieda.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (R. SALES)