BINAWIAN ng buhay ang isang tulak samantalang nadakip ang 10 pang personalidad sa droga sa pagpapatuloy ng operasyon ng pulisya laban sa krimen sa lalawigan ng Bulacan.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang napatay na suspek na si Tony Cabas, residente sa Brgy. Addition Hills, lungsod ng Mandaluyong.
Napag-alaman ang mga operatiba ng SOU3 PNP-DEG, sa pakikipag-ugnayan sa Marilao Municipal Police Station (MPS), ay nagkasa ng buybust operation sa Brgy. Sta. Rosa 2, Marilao, na nagresulta sa enkuwentro at pagkakapaslang kay Tony Cabas.
Narekober mula sa napatay na suspek ang isang plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 50 gramo, isang large-sized ng selyadong plastic bag ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 500 gramo; baril at mga bala, at isang sobreng na naglalaman ng boodle money.
Kasunod nito, pinagdadampot rin ang 10 pang drug suspects na kinilalang sina Jomar Sayo alyas Oma; Jerry Guinto, Jr. alyas Akira; Christian Se; Christian Paulo Cruz; Christian Peter Cruz; Arnold Borile; Xarex Sarmiento; Jake Rodriguez; Princess Morado; at Crisanto Alba, sa serye ng mga anti-illegal drugs operations ng Balagtas, Marilao, Meycauayan, Pulilan at San Miguel police stations.
Nasamsam sa mga suspek ang 45 pakete ng hinihinalang shabu at buybust money.
(MICKA BAUTISTA)