NANAWAGAN si ACT-CIS Partylist Rep. Rowena Niña Taduran sa mga local government units na ayusin ang kanilang vaccination procedure sa harap ng pagsugod ng mga tao sa vaccination sites kahit walang schedule ang mga ito.
Nababahala ang House Asst. Majority Leader sa nababalitaan nyang pagkakagulo ng mga tao sa vaccination sites.
“Ang mga LGUs ang lumilikha ng super spreaders dahil hindi maayos ang kanilang vaccination procedure. Nakita na nilang nagkukumpulan ang napakaraming taong nagwo-walk-in sa vaccination sites, wala pa rin ginagawa. Maiiwasan ang kumpulan kung maayos ang proseso ng pagbabakuna,” ayon kay Taduran.
“Kung walang schedule ang pumila, bakit hindi nila bigyan ng form at bilangin ang kakayanin ng bakunang nakahanda sa isang lugar para mapauwi na agad ang mga hindi mababakunahan?” dagdag pa ni Taduran.
Pinuna ng mambabatas ang panghuhuli ng San Juan Police sa anim katao na pumunta sa isang vaccination site sa Greenhills makaraang makatanggap ng text message na sila ay ini-schedule na mabakunahan sa naturang lugar, na kalaunan ay natagpuang peke pala ang text message.
“Sila na ang nabiktima, sila pa ang hinuli? Marami sa mga kababayan natin ang matagal nang naghihintay ng tawag para sila ay mabakunahan. Ang anim ay nagmadaling pumunta sa vaccination site sa pag-aakalang nakakuha na sila ng schedule. Kung peke ang text, hindi nila kasalanan ‘yun,” ani Taduran.
Naniniwala si Taduran na ang susi sa maayos na pagbabakuna ay ang pagpaplano sa alokasyon at pagpapatupad ng organisadong proseso sa mismong vaccination sites.
Sa San Jose del Monte, nagrereklamo ang mga residente sa bagal ng pagbakuna.
Anila, ilang buwan na silang nakarehistro sa website ng lokal na pamahalaan, pero hangang ngayon wala pang text o tawag tungkol sa schedule nila.
(GERRY BALDO)