HATAWAN
ni Ed de Leon
“Unglamorous.” Ganyan ang comment ng isang fashion critic sa lumabas na wedding photos nina Angel Locsin at Neil Arce. Kahit na ang bride ay nakasuot ng blouse na puti, naka-jeans naman siya at sneakers. Ang groom naman ay white shirt at jeans and sneakers din. Kasi casual lang naman ang okasyon at sa totoo lang, iyong ganoong kasuotan ay parang semi-formal na sa panahong ito. Marami na ngang mga fashion designer ang nag-close shop dahil iba na ang trend, para bang lahat ready to wear na.
Isa pa, noong makita rin namin iyon, alam din naman naming hindi pa iyon ang pormal na kasal nina Angel at Neil. Iyon ay isang kasal na sibil. Pero ang paniwala namin, iyon ay ginawa lang nila dahil sa requirement sa isang born again ceremony na kanilang binabalak. Hindi kagaya ng kasal sa simbahang Katoliko halimbawa na ang kailangan lamang ay marriage license at tapos kasalan na.
Karamihan sa mga born again pastors ay walang faculty para magkasal dahil ang kanilang fellowship ay hindi affiliated sa isang major religion. At dahil wala ngang faculty, ang ginagawa nila ay ipinakakasal muna nila nang sibil, para iyon ay maging legal, at pagkatapos ay nagkakaroon na lang ng convalidation para sa kanilang fellowship.
Dahil para naman sa kanila ay hindi pa pormal na kasal iyon, kaya casual na lang na kasuotan ang ginagamit nila. Kung iisipin nga hindi man lang nila binanggit kung sino ang nagkasal sa kanila, ni ang mga witness sa kanilang kasal. Importante iyon dahil kung wala iyon, bale wala rin ang kasal na iyon.
Marami talaga ang hindi nakaiintindi dahil sa technicality niyang batas natin sa kasal at sa pagsulpot nga niyang mga kasal na born again. Ayon sa batas, ang dalawang ikakasal ng isang lehitimong pastor ay kailangang kapwa miyembro ng kanyang relihiyon, o kung hindi man kahit na isa. Eh karamihan diyan sa mga grupong born again ay “Fellowship” lamang, at non-denominational pa. Paano nga ba masusunod ang batas? At saka iyang mga namumuno lamang ng mga fellowship at hindi tunay na pastor ng isang relihiyon, iyan ay hindi nakakukuha ng faculty para magkasal.
Kaya iyang kasal nina Angel at Neil, huwag na muna ninyong pansinin dahil tiyak na iyan ay masusundan pa ng isang mas engrandeng kasalan.