NAKOMPISKA ng mga pulis ang P1.7 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa dalawang lalaki sa buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Taguig City Police Station, Philippine Drug Enforcement Group (PDEG), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa Barangay Lower Bicutan, ng lungsod, nitong Lunes.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief P/MGen. Vicente Danao, Jr., ang mga suspek na sina Reggie Pariño, alyas Reymark; at Jerry Adriano.
Nahuli ng mga operatiba ang mga suspek nang makipagkita sa Tatay Berting’s Special Pancit Food House, sa Manuel L. Quezon St., Brgy. Lower Bicutan, Taguig City, dakong 2:00 pm nitong Lunes.
Dinakip ang mga suspek nang magpalitan ng pera at ilegal na droga sa nasabing karinderya.
Nasamsam ang nasa 326 pirasong P1,000 boodle money at isang genuine buy bust money at 250 gramo ng shabu.
Pinuri ni NCRPO Chief ang matagumpay na operasyon ng Special Operations Unit-4A ng NCRPO, PDEG, Station Drug Enforcement Unit ng Taguig CPS, at PDEA.
“Binabati ko po ang ating mga kasama sa matagumpay na pagkakahuli sa dalawang tulak at pagsabat sa malaking halaga ng ilegal na droga sa Taguig. Ang sunod-sunod po nating matagumpay na mga operasyon ay nagpapatunay, sa kabila ng umiiral na pandemya ay hindi tumitigil ang NCRPO sa pagbibigay ng serbisyong tama,” pahayag ni Danao. (JAJA GARCIA)