MAHIGIT sa P.3 milyong halaga ng ilegal na droga ang nakuha sa tatlong pinaniwalaang tulak ng shabu nang maaresto sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Valenzuela City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief, P/Lt. Joel Madregalejo ang naarestong mga suspek na sina Darius Cabrales, 55 anyos, isang aircon technician; Jimmy Iligan, 46 anyos; at Ernesto Savarez, 50 anyos, kapwa construction workers at pawang residente sa Brgy. Marulas.
Sa report ni P/SSgt. Ana Liza Antonio kay Valenzuela City chief of police (CO) Col. Ramchrisen Haveria, Jr., dakong 7:30 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU, sa pangunguna ni P/Lt. Madregalejo ng buy bust operation sa isang bahay na matatagpuan sa De Guzman St., Brgy. Marulas na nasabing siyudad.
Dito agad nagawa ng poseur-buyer na makabili ng P7,000 ng halaga ng shabu, at nang iabot ay agad na dinakma ang mga suspek.
Nakompiska sa mga suspek ang pitong transparent plastic sachets na naglalaman ng 50 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P340,000, buy bust money, isang tunay na P500 at 13 pirasong P500 boodle money, P350 cash, cellphone at pouch.
Nahahaarap sa kasong paglabag sa Section 5, 26, at 11 under Article of RA 9165 ang isinampa ng pulisya laban sa mga naarestong suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (ROMMEL SALES)