KAHIT patuloy ang pag-ulan at pagbaha sa ilang lugar, hindi tumitigil ang pulisya sa paglulunsad ng anti-crime drive sa lalawigan ng Bulacan na nagresulta sa pagkaaresto ng anim kataong may paglabag sa batas mula Sabado hanggang Linggo ng umaga, 25 Hulyo.
Sa ulat mula kay P/Col. Lawrence Cajipe, Bulacan police director, nadakip sa ikinasang anti-illegal drug sting sa bayan ng Baliwag ang suspek na kinilalang si Ferdinand Cruz, alyas Ferdie, ng Brgy. Sta. Barbara, sa nabanggit na bayan.
Nakompiska mula sa suspek ang apat na pakete ng hinihinalang shabu at buy bust money na dinala sa Bulacan Crime Laboratory Office upang suriin.
Gayondin, nadakip ang dalawang iba pa nang ihain ng mga elemento ng Bocaue at Marilao MPS ang search warrant laban sa mga suspek na kinilalang sina Ronald Bryan Daluz, alyas Robert, ng Brgy. Loma De Gato, Marilao; at Michael Lualhati, alyas Mike, ng Brgy. Bunducan, Bocaue.
Nasamsam mula sa kanila bilang ebidensiya ang 31 pakete ng hinihinalang shabu, drug paraphernalia, digital weighing scale, kalibre .38 rebolber, kalibre .45 pistola, at mga bala, gayondin ang isang pirasong medium-sized ziplock pouch na naglalaman ng tuyong dahon ng marijuana, sling bag, at magazine.
Samantala, arestado rin ng mga awtoridad ang tatlong suspek nang respondehan sa iba’t ibang krimeng naganap sa bayan ng Pandi at lungsod ng Meycauayan.
Kinilala ang mga suspek na sina Juvie Duena ng Brgy. Bagong Barrio, Pandi, na inaresto sa paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence against Women and Their Children); Sandro Mañago ng Brgy. Caingin, Meycauayan, sa paglabag sa RA 8353 (Anti-Rape Law); at Virgilio Delos Reyes ng Brgy. Northern Malhacan, Meycauayan, para sa kasong Acts of Lasciviousness.
Kasalukuyang inihahanda ang mga naaangkop na kasong isasampa laban sa mga arestadong suspek na nakatakdang ihain sa korte. (M. BAUTISTA)